Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na higpitan ang firearms laws, palakasin ang pananagutan ng gun owners at gawing non-bailable offense ang iligal na pag-iingat ng loose firearms.
Kasunod ito ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University—ikalawang fatal school shooting sa loob ng dalawang buwan kung saan lisensiyado at government-issued na baril ang napunta umano sa menor de edad.
Ayon kay Remulla, 98% ng gun-related crimes ay gumagamit ng loose firearms. Mahigit 2.87 milyon naman aniya ang licensed gun owners sa bansa.
“All gun owners, whether private or public, should have punitive damages when somebody else uses his or her gun. Dapat may accessory penalty siya,” ani Remulla sa press conference sa Camp Crame, Quezon City nitong Miyerkules.
“Kailangan natin ng whole-of-nation approach, kailangan magtulungan ang PNP (Philippine National Police), Congress, at mga gun owners. Nanawagan tayo sa Congress na baguhin na at i-repeal na ang batas at gawing non-bailable offense ang krimen ng loose firearms,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10591, maituturing na loose firearm ang isang rehistradong baril na nasa pag-iingat ng taong hindi siyang nakarehistrong licensee.
Batay sa initial report ng Philippine National Police (PNP), may 25 security guard ang paaralan—15 sa daytime shift at 10 sa gabi.
Iniinspeksiyon ang bag ng mga estudyanteng naglalakad papasok, ngunit hindi sumasailalim sa parehong pagsusuri ang mga pumapasok sakay ng sasakyan. Iginiit ni Remulla na hindi ang paaralan o mga security guard ang dapat sisihin, kundi ang security system na kailangang repasuhin.
Ayon sa DILG chief, Grade 9 top student ang suspect at walang naitalang history ng bullying o shooting training. Nag-livestream umano ito mula sa first-person point of view habang isinasagawa ang pag-atake na tumagal nang halos tatlong minuto.
Isang Grade 10 student ang nasawi at dalawa pang estudyante ang nasugatan. Ilan din ang nakaranas ng panic attack, anxiety at minor injuries. Binaril ng suspect ang sarili at nasawi matapos ang insidente.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., narekober ang isang Glock 22 caliber .40 na nakarehistro sa Bureau of Customs at isang Glock 9mm pistol, kasama ang mga magazine.
Nakuha rin sa crime scene ang isang Roni conversion kit, mga basyo, mobile phone at black headgear.
Lumabas sa data ng PNP na 50 school-related incidents na kinasasangkutan ng mga menor de edad ang naitala mula June 16 hanggang August 18, 2026: apat na stabbing incidents, dalawang shooting incidents, apat na illegal possession of firearms, 12 shooting threats, 26 bomb threats, at dalawang death threats. /Bistado


