Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang ₱1.855 bilyon para sa Philippine General Hospital (PGH), kabilang ang ₱800 milyon para sa Zero Balance Billing (ZBB) program.
Layon ng malaking funding boost na suportahan ang mahahalagang serbisyo ng pangunahing state hospital ng bansa at bawasan ang gastusing medikal na direktang binabayaran ng mga pamilyang Pilipino.
Ayon sa DBM, gagamitin ang ₱800 milyon upang suportahan ang pagpapatupad ng PGH sa ZBB. Layunin nitong bawasan o tuluyang alisin ang out-of-pocket hospital expenses ng mga kuwalipikadong pasyente, alinsunod sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act at mga umiiral na guideline.
Sinabi ni Budget Acting Secretary Kim Robert De Leon nitong Miyerkules na direktang tinutugunan ng inilabas na pondo ang isa sa pinakamabigat na suliranin ng mga pamilya—ang gastos sa pagpapagamot.
“Government must help make sure that needing medical care does not become a financial crisis for Filipino families,” ani De Leon.
Bukod sa ZBB at iba pang medical services, ₱15 milyon ang inilaan para sa paggamot ng Dystonia-Parkinsonism o Lubag Syndrome.
Makatutulong ang pondo upang maipagpatuloy ng mga pasyenteng may ganitong kondisyon ang access sa specialized treatment at kaugnay na medical requirements.
Ang PGH ang national university hospital at isa sa mga pangunahing referral center ng bansa. Tumatanggap ito ng mga pasyenteng nangangailangan ng malawak na uri ng medical services, kabilang ang complex at specialized cases na isinasangguni mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
“Every peso we release for health must ultimately reach the patient. This PHP1.855 billion is not simply additional funding on paper – it means more resources for treatment, less financial pressure on families, and continued support for patients who depend on PGH for critical and specialized care,” ani De Leon.
Sinabi ng acting budget secretary na ang paglalaan ng pondo ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang healthcare at iba pang essential public services.
Aniya, ipinagpapatuloy ito sa kabila ng magkakatunggaling pangangailangan sa limitadong fiscal resources ng gobyerno. /Bistado


