Iginiit ng kampo ni Marikina City 1st District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro na walang sapat na basehan ang apat na count ng sexual assault at isang count ng acts of lasciviousness na isinampa laban sa kanya sa mga korte.
“Inosente si Cong Marcy. Lalaban si Cong. Marcy,” pahayag ni Atty. Alma Mallonga, legal counsel ng kongresista.
Sa pahayag noong August 18, kinuwestiyon ng kampo ni Teodoro ang Department of Justice (DOJ) resolution na naging batayan ng pagsasampa ng mga kaso.
Sinabi ng kampo na ang mga reklamo ay dumaan sa preliminary investigation ng isang DOJ panel. Gayunman, iginiit nitong ang naging resolution ay hindi umano ginawa o pinirmahan ng panel na nagsagawa ng imbestigasyon, kundi ng ibang state prosecutor.
“Dahil dito, makatwirang ipagpalagay na binago ang orihinal na investigation report at recommendation ng DOJ panel na ibasura ang mga reklamo laban kay Cong. Marcy,” ani Mallonga.
Posisyon ito ng depensa at hindi pa pasya ng korte. Nakasaad naman umano sa resolution na sa paglilitis dapat pagdesisyunan ang mga isyu tungkol sa credibility ng mga akusasyon at depensa ni Teodoro.
“Tinatanggap ni Cong. Marcy ang oportunidad na litisin ang reklamo laban sa kanya,” ayon sa kampo.
Kinumpirma naman ng DOJ nitong Martes na naisampa na ng mga prosecutor ang criminal informations kaugnay ng reklamo ng dalawang babaeng pulis na dating nakadetalye bilang security personnel ni Teodoro.
“The four (4) Informations for Sexual Assault were filed with the RTC (regional trial court), while the Information for Acts of Lasciviousness was filed with the Metropolitan Trial Court, which has jurisdiction over the latter offense,” pahayag ni DOJ spokesperson Polo Martinez.
Ang apat na sexual assault case ay isinampa sa Regional Trial Court (RTC) ng Marikina. Sa Metropolitan Trial Court (MeTC) naman dinala ang acts of lasciviousness case.
“The informations have already been filed with the Regional Trial Court of Marikina along with a transmittal of the records of the cases. The cases are now under the court’s jurisdiction and shall proceed in accordance with the Rules of Court for the conduct of trial,” dagdag ni Martinez.
Noong 2025, isa sa mga pulis ang nagreklamo ng umano’y acts of lasciviousness sa unang bahagi ng kanyang assignment. Inakusahan naman si Teodoro ng ikalawang complainant ng sexual assault at acts of lasciviousness.
Sinabi ng kampo ni Teodoro na handa siyang harapin ang buong legal na proseso upang mailabas ang katotohanan sa lalong madaling panahon. /Bistado


