BUTUAN CITY — Suspendido pa rin nitong Lunes ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Butuan City dahil sa inaasahang pag-abot ng heat index sa 43°C, na pasok sa “danger” level.
Pinalawig ng city government ang class suspension na ipinatutupad mula pa noong nakaraang linggo upang maprotektahan ang mga estudyante laban sa matinding init.
“Schools are encouraged to use other learning modalities, such as asynchronous or synchronous methods,” ayon sa city government.
Pinag-iingat din ang mga residente sa patuloy na pagtaas ng temperatura. Pinayuhan silang regular na uminom ng tubig, umiwas sa matagal na pagbibilad sa araw—lalo na sa pinakamainit na oras—magsuot ng magaan at maluwag na damit, at iwasan ang labis na physical activity.
“Always drink water regularly, avoid prolonged exposure to heat, especially during peak hours, wear light and loose clothing, and refrain from excessive physical activity during the hottest part of the day,” saad sa advisory.
Dapat ding agad magpahinga sa malamig na lugar at humingi ng medical assistance ang makararanas ng pagkahilo, pananakit ng ulo, panghihina o iba pang sintomas ng heat-related illness.
Nagpapatupad din ng class suspension at alternative learning modalities ang ilang bayan at lungsod sa Caraga dahil sa mataas na heat index.
Samantala, naglabas din nitong Lunes ng sariling babala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Agusan del Sur.
Posibleng umabot sa 41°C hanggang 44°C ang heat index sa Bayugan City at mga bayan ng Esperanza, Prosperidad at San Francisco. Inaasahan naman ang 40°C hanggang 43°C sa Rosario, Bunawan at Trento, habang maaaring pumalo sa 42°C hanggang 45°C sa La Paz at Talacogon.
“Keep updated with the latest advisories and information on the prevailing heat index in your localities for your safety,” paalala ng PDRRMO. /Bistado


