Umakyat ng 8 porsiyento sa ₱874 milyon ang consolidated gross revenue ng Port Operations Group ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa unang anim na buwan ng 2026, mula ₱806 milyon noong nakaraang taon.
Naitala ang paglago sa kabila ng global economic pressures, gulo sa Middle East at mga pangamba sa fuel supply at logistics costs.
Sinabi ni SBMA Deputy Administrator III for Operations Group Ronnie Yambao na napagsabay ng ahensya ang pagpapataas ng kita at pagbibigay ng tulong sa mga stakeholder na tinamaan ng external disruptions.
“We successfully navigated a complex global environment while implementing discount measures totaling approximately P81 million,” ani Yambao.
Ang tinutukoy niyang discounts ay mga hakbang na nakaayon sa Executive Order No. 110 upang maibsan ang epekto ng fuel supply crisis.
Nanatiling pinakamalaking pinagkukunan ng kita ng grupo ang Seaport Department, na kumita ng ₱683 milyon—katumbas ng 78 porsiyento ng consolidated revenue. Mas mataas ito ng 10 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Lumaki naman ng 18 porsiyento ang non-containerized cargo, habang tumaas ng 24 porsiyento ang bulk at break-bulk shipments.
Sumirit din ng 88 porsiyento ang rice imports habang kumikilos ang pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay bago ang inaasahang El Niño. Ipinakita nito ang mahalagang papel ng Subic sa food security at tuloy-tuloy na paggalaw ng mahahalagang produkto.
Nakapagtala rin ang Trade Facilitation and Compliance Department ng 17 porsiyentong pagtaas sa revenue kasunod ng pagpapatupad ng Registration Certificate policy.
Samantala, nag-ambag ng ₱123 milyon ang Subic Bay International Airport, bagama’t bumaba ng 3 porsiyento ang kita nito.
Sinabi ni SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Aliño na pinatunayan ng resulta ang kakayahan ng grupo na makibagay sa global disruptions habang pinananatili ang paglago.
“Our first-half results underscore the strength and flexibility of the Port Operations Group,” ani Aliño. “We remain committed to not only sustaining growth but also delivering impactful measures to mitigate external disruptions.” /Bistado


