Sino ang dapat mamuno sa bansa sa 2028: Robredo-Tulfo o Duterte-Marcos?
Dikit na dikit ang hypothetical presidential at vice-presidential tandems nina Naga City Mayor Leni Robredo at Sen. Raffy Tulfo, at Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos sa pinakabagong survey ng OCTA Research.
Sa Q2 2026 Tugon ng Masa survey, 45 porsiyento ang pumili sa Robredo-Tulfo tandem habang 42 porsiyento ang sumuporta sa Duterte-Marcos.
Pero ayon sa OCTA, hindi nangangahulugang nangunguna na ang Robredo-Tulfo. Pasok ang tatlong percentage-point gap sa margin of error, kaya statistical toss-up o tabla pa rin ang laban.
Walong porsiyento ang ayaw sa dalawang tandem, apat na porsiyento ang undecided at isang porsiyento ang tumangging sumagot.
Malinaw naman ang hati ng suporta sa bawat rehiyon.
Malakas ang Robredo-Tulfo sa Balance Luzon, kung saan nakakuha ito ng 61 porsiyento laban sa 23 porsiyento ng Duterte-Marcos. Lamang din ito sa National Capital Region (NCR), 56 porsiyento kontra 22 porsiyento.
Tabla sa Visayas ang dalawang tandem sa tig-45 porsiyento.
Balwarte naman ng Duterte-Marcos ang Mindanao, kung saan nakakuha ito ng 90 porsiyento kumpara sa limang porsiyento ng Robredo-Tulfo.
Sa regional breakdown, pinakamalakas ang Robredo-Tulfo sa Mimaropa sa 84 porsiyento, Bicol at Central Luzon sa tig-71 porsiyento, Ilocos Region sa 69 porsiyento, Western Visayas sa 68 porsiyento at Negros Island Region sa 61 porsiyento.
Dinumog naman ng suporta ang Duterte-Marcos sa Caraga sa 97 porsiyento, Northern Mindanao sa 92 porsiyento, Davao Region sa 91 porsiyento, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Soccsksargen sa tig-88 porsiyento, Zamboanga Peninsula sa 87 porsiyento at Central Visayas sa 82 porsiyento.
Gayunman, binalaan ng OCTA na mas maliit ang sample at mas malaki ang margin of error sa bawat rehiyon.
Hati rin ayon sa socioeconomic class. Lamang ang Robredo-Tulfo sa Class ABC, 41 porsiyento kontra 37 porsiyento, at Class D, 48 porsiyento kontra 41 porsiyento.
Duterte-Marcos naman ang nanguna sa Class E sa 53 porsiyento laban sa 33 porsiyento.
Kumpara sa Q1 survey, umakyat mula 44 hanggang 45 porsiyento ang Robredo-Tulfo. Tumaas naman mula 40 hanggang 42 porsiyento ang Duterte-Marcos. Ayon sa OCTA, napakaliit ng mga pagbabagong ito para ituring na kumpirmadong paggalaw ng suporta.
Isinagawa ang non-commissioned survey mula July 4 hanggang 11 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 registered voters. Mayroon itong ±3 percentage points na national margin of error sa 95 percent confidence level.
Nilinaw ng OCTA na hypothetical lamang ang match-up at snapshot ng kasalukuyang public sentiment, hindi prediksiyon sa resulta ng 2028 elections. /Bistado


