Maaari nang makakuha ng hanggang ₱40,000 emergency loan ang mga kuwalipikadong miyembro at pensioner ng Government Service Insurance System (GSIS) na naapektuhan ng Tropical Storm Maymay at enhanced Habagat.
Nilinaw ng GSIS nitong Lunes na bubuksan lamang ang emergency loan kapag opisyal nang isinailalim sa state of calamity ang lugar na tinitirhan o pinagtatrabahuhan ng aplikante.
“Eligible members and pensioners with existing emergency loans may borrow up to PHP40,000, which will be used to settle their outstanding emergency loan balance, with the remaining amount released to the borrower,” pahayag ng GSIS.
Ang mga walang kasalukuyang emergency loan ay maaaring umutang ng hanggang ₱20,000.
Para maging kuwalipikado, ang active member ay dapat nakatira o nagtatrabaho sa calamity area, nasa active service at hindi naka-leave without pay.
Dapat din itong walang nakabinbing administrative o criminal case at nakapaghulog ng premiums sa loob ng anim na buwan bago mag-apply.
Kailangan ding may matirang net take-home pay na hindi bababa sa ₱5,000 matapos ibawas ang loan payments, alinsunod sa General Appropriations Act.
Maaari ring mag-apply ang old-age at disability pensioners na nakatira sa idineklarang calamity area. Gayunman, kailangang manatiling hindi bababa sa 25 porsiyento ng kanilang basic monthly pension ang matatanggap matapos ang loan deductions.
“The GSIS Emergency Loan carries an interest rate of 6 percent per annum and is payable over three years,” ayon sa pension fund.
Maaaring magsumite ng aplikasyon anumang oras sa GSIS Touch mobile application na available sa Google Play Store at Apple App Store.
Maaari ring humingi ng tulong ang mga miyembro at pensioner sa GSIS website, contact center, email at mga opisyal na social media account nito. /Bistado


