Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Tax relief sa middle class, target maipasa ngayong taon

Mas malaking take-home pay ang posibleng maiuwi ng milyon-milyong Filipino workers kapag naipasa ang isinusulong na tax reform package ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong taon.

Tinatawag ng Department of Finance (DOF) na Promoting Growth, Revenue, and Equity toward Socio-economic Sustainability (PROGRESS) Bill ang panukalang magtataas sa income tax exemption, magbibigay ng relief sa maliliit na negosyo, at babawi sa mawawalang koleksiyon sa pamamagitan ng mas mataas na buwis sa ilang produkto at mamahaling ari-arian.

“The president wants the Progress bill to be passed this year, if possible,” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.

Una itong itinulak ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 27 bilang tulong sa middle-class workers at micro at small enterprises na apektado ng pagtaas ng presyo at paghina ng purchasing power.

Sa panukala, tataas sa P350,000 mula P250,000 ang minimum annual taxable income na papatawan ng personal income tax. Sa tantiya ng DOF, maaaring mawala ang withholding tax ng mga kumikita ng humigit-kumulang P29,000 o mas mababa kada buwan.

Ang may annual taxable income na lampas P350,000 hanggang P450,000 ay papatawan ng 15 percent sa halagang sobra sa P350,000. Para naman sa lampas P450,000 hanggang P800,000, magiging P15,000 ang fixed base tax at 20 percent ng sobrang kita sa P450,000.

Ayon sa DOF, maaaring makatipid ng hanggang P15,000 kada taon ang mga papasok sa bagong P250,000-to-P350,000 tax-free bracket. Ang ibang income earners na sakop ng inayos na brackets ay maaaring makatipid ng hanggang P17,500 sa annual taxes.

Sinabi ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano na tugon ang panukala sa “declining purchasing power and creeping taxes.”

Palalawakin din ang tax relief sa micro at small enterprises sa pamamagitan ng exemption mula sa minimum corporate income tax (MCIT).

Gayunman, tinatayang mababawasan ng P300.33 bilyon ang government revenues mula 2027 hanggang 2030 dahil sa personal income tax adjustments. Mawawala pa ang P26.6 bilyon dahil sa MCIT exemption, kaya aabot sa P326.92 bilyon ang kabuuang projected revenue loss.

Para makabawi, nais ng DOF na palawakin ang sin at wealth taxes at buhayin ang mga panukalang buwis sa plastic products at mga motor vehicle. Tinatayang lilikha ang mga compensatory measures ng humigit-kumulang P518.7 bilyon mula 2027 hanggang 2030, o net fiscal gain na halos P192 bilyon.

Kabilang sa plano ang P20-per-liter excise tax sa sugar-sweetened drinks at P40 kada litro sa inuming gumagamit ng high-fructose corn syrup.

Magkakaroon din ng unified P72.90 excise tax sa e-cigarettes simula 2027, na may 5% annual indexation mula 2028. Papatawan naman ng P150 bawat unit ang vape devices, habang bubuwisan ng P72.90 kada dalawang gramo o dalawang milliliters ang novel tobacco products gaya ng oral nicotine pouches.

Itataas din ang buwis sa distilled spirits, na magkakaroon ng anim na percent annual indexation simula 2031. Tatanggalin ang kasalukuyang exemptions ng soy milk at 100-percent natural fruit at vegetable juices, habang isasama sa levy ang ice cream at yogurt.

Target ding patawan ng P150 kada kilo ang plastic products gaya ng “sando” bags, “labo” bags at sachets, na may limang percent annual adjustment.

Para sa luxury vehicles na nagkakahalaga ng higit P8 milyon, iminungkahi ang 75-percent excise tax. Plano ring uriin ang private jets bilang nonessential goods na sakop ng excise tax.

Ia-adjust din ang Motor Vehicle Road User Tax (MVRUT) batay sa cumulative inflation upang pondohan ang road maintenance. Mahigit dalawang dekada nang hindi nababago ang mga rate nito. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles