Pormal nang pinagtibay ng House of Representatives ngayong linggo ang resolusyong nagbibigay-pugay kay Gregoria de Jesus sa ika-150 anibersaryo ng kanyang kapanganakan.
Sa House Resolution No. 1205 (HR 1205), kinilala ang buhay at pamana ni De Jesus bilang bayani ng Philippine Revolution, sagisag ng lakas at katatagan ng kababaihang Pilipino, at inspirasyon sa paglaban sa pang-aapi.
“Sa wakas, adopted resolution na ng House of Representatives ang H.R. 1205,” pahayag ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa kanyang social media post.
Ipinanganak si De Jesus noong May 9, 1875 sa Caloocan. Noong 1893, sa edad na 18, pinakasalan niya si Andres Bonifacio sa civil at church rites at kalaunan sa isang seremonya ng Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.
Kilala bilang “Lakambini of the Katipunan,” naging tagapangalaga si De Jesus ng mahahalagang dokumento, armas, secret codes at mga selyo ng samahan. Siya rin ang unang nagsalin sa code ng mga kautusan ng Katipunan.
Nang sumiklab ang himagsikan, muling sumama si De Jesus kay Bonifacio at sa iba pang Katipunero sa Cavite noong November 1896. Ayon sa resolusyon, buong tapang siyang lumaban kasama ng mga kasapi ng Katipunan at natutong gumamit ng iba’t ibang armas laban sa mga Espanyol.
Mahalagang bahagi rin ng kanyang pamana ang mga isinulat niyang tula, liham kay Emilio Jacinto, handwritten notes tungkol sa mga Katipunero, decalogue para sa kabataan at sariling talambuhay. Nagsilbi ang mga ito bilang first-hand historical accounts ng mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Bonifacio at pagbagsak ng Katipunan.
Pumanaw si De Jesus sa Maynila noong March 15, 1943 sa edad na 67. Iniwan niya ang anim na anak, kabilang ang nag-iisang lalaking si Juan Felipe Nakpil, na kalauna’y kinilalang unang Filipino National Artist for Architecture.
Binigyang-diin ng Kamara na ang buhay ni De Jesus ay patunay sa mahalagang papel ng kababaihan sa kasaysayan at nation-building. Ang kanyang katapangan, pagmamahal sa bayan at paninindigan para sa mahihirap at inaapi ay patuloy umanong nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino—lalo na sa kababaihan—na manindigan laban sa anumang uri ng pang-aapi. /Bistado


