Patuloy na babasain ng southwest monsoon o Habagat ang malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas hanggang Sunday, August 9, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa 4 a.m. forecast nitong Friday, August 7, namataan ang low pressure area (LPA) na dating Bagyong Maymay sa layong 565 kilometro silangan ng Echague, Isabela. Habagat naman ang nakaaapekto sa Central at Southern Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas.
Ngayong Friday, posibleng makaranas ng 100 hanggang 200 millimeters (mm) na ulan ang Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Inaasahan naman ang 50 hanggang 100 mm sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas at Antique.
Sa Saturday, August 8, aabot sa 100 hanggang 200 mm ang ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Makakaranas naman ng 50 hanggang 100 mm ang Ilocos Norte, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite at Batangas.
Sa Sunday, inaasahan ang 100 hanggang 200 mm na ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet at Zambales. Posible naman ang 50 hanggang 100 mm sa Ilocos Norte, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Bataan, Pampanga at Occidental Mindoro.
Babala ng Pagasa, maaaring mas mataas ang dami ng ulan sa kabundukan at matataas na lugar. Maaari ring lumala ang epekto nito sa mga lugar na nababad na sa ulan.
Partikular na makararanas ng monsoon rains ang Occidental Mindoro, habang occasional rains ang aasahan sa Metro Manila, Pangasinan, La Union, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna at Antique. Posible ang flash flood at landslide dahil sa katamtaman hanggang malakas, at kung minsan ay matinding pag-ulan.
Uulan din sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa trough o extension ng Typhoon Dolphin. Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms naman ang mararanasan sa iba pang bahagi ng Luzon at Western Visayas.
Bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may isolated rain showers o thunderstorms ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng bansa.
Samantala, nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Dolphin. Huling namataan ito sa layong 1,095 kilometro hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 140 kilometro kada oras at bugso na hanggang 170 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan ang inaasahan sa buong bansa. Pinag-iingat ang publiko laban sa pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang panganib dulot ng masamang panahon. /Bistado


