Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

BIR: 2,277 gamot, VAT-exempt na

Lumawak pa ang listahan ng mga gamot na hindi papatawan ng Value-Added Tax (VAT), hakbang na inaasahang makababawas sa gastos ng mga Pilipinong nagpapagamot sa malulubha at pangmatagalang sakit.

Inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 87-2026, na naglalaman ng updated list ng VAT-exempt medicines na inendorso ng Food and Drug Administration (FDA).

Ipinatupad ang exemption alinsunod sa Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law at Republic Act No. 11534 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Sa bagong listahan, umabot na sa 2,277 ang VAT-exempt medicines matapos madagdagan ng 14 na gamot.

Pinakamarami rito ang para sa cancer, na may 708 gamot. Kasunod ang hypertension na may 537; diabetes, 331; mental illness, 300; high cholesterol, 172; kidney disease, 152; at tuberculosis, 77.

Layunin ng pinalawak na exemption na mabawasan ang direktang gastusin ng mga pasyente, partikular ang mga nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan at regular na pagbili ng gamot.

Kaugnay rin ang circular sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA) na palawakin ang access sa de-kalidad na healthcare at pababain ang presyo ng mahahalagang gamot.

“The Bureau remains steadfast in implementing tax policies that directly benefit our people. By expanding the list of VAT-exempt medicines, we are helping make essential healthcare more affordable while supporting the President’s vision of a healthier and more resilient Philippines,” ani BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.

Binigyang-diin ng BIR na bukod sa pangongolekta ng buwis para sa mga programa ng pamahalaan, tungkulin din nitong tiyaking nagbibigay ang tax system ng konkretong benepisyo sa publiko.

Sa pagtanggal ng VAT sa mas maraming gamot, inaasahang mas maraming pamilya ang makapagpapatuloy ng gamutan, makabibili ng kinakailangang medisina at mailalaan ang natipid na halaga sa iba pang pang-araw-araw na pangangailangan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles