KIDAPAWAN CITY, Cotabato — Nagsampa ng kasong kriminal ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) laban sa may-ari ng DQB Green Agricultural Products Trading dahil sa umano’y hindi awtorisadong paggawa ng mga regulated fertilizer products.
Inihain ni FPA Executive Director Glenn D.C. Estrada ang reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1144, ang batas na lumikha sa FPA bilang attached agency ng Department of Agriculture (DA).
Nag-ugat ang kaso sa inspeksyon noong February 20, 2026 sa pasilidad ng DQB sa Barangay Saguing, Makilala, North Cotabato.
National distributor lamang ang lisensya ng kompanya, kaya maaari itong magbenta ng rehistradong pataba ngunit hindi gumawa, mag-formulate, magproseso, mag-bulk blend o mag-repack nang walang hiwalay na pahintulot ng FPA.
Nakita umano ng FPA Regional Field Unit XII, kasama ang mga lokal na opisyal, ang production equipment, packaging materials at mga sako ng patabang may markang “TAKADA 14-14-14.” Nakarehistro ang produkto sa ibang kompanyang VALAP Inc.
Ginagamit din umano sa pasilidad ang “Spinning Palanggana” method, isang manwal na paghahalo ng pataba na ipinagbabawal sa ilalim ng FPA Memorandum Circular No. 2022-23 dahil hindi ito pasok sa manufacturing at quality-control standards.
Nagsimula ang inspeksyon matapos makatanggap ang FPA ng impormasyon na bumagsak sa laboratory tests ang mga patabang isinupply para sa isang government procurement.
Inutusan sa Show Cause Order ang may-ari na si Quiara Fabian Baterina na magpaliwanag. Ayon sa FPA, hindi napabulaanan ng kanyang tugon ang mga alegasyon. Isinailalim sa preventive suspension ang mga lisensya at product registrations ng DQB habang nagpapatuloy ang administrative proceedings.
“Pinapahina ng mga ilegal na gumagawa ng pataba ang ating food security, dahil nanganganib ang mga magsasaka sa mga substandard na agricultural inputs na maaaring magpababa ng ani at kita, bukod pa sa posibleng panganib sa kalusugan ng publiko at sa kalikasan. Patuloy nating hahabulin ang mga lumalabag upang maprotektahan ang ating mga magsasaka at mapanatili ang integridad ng sistema ng produksyon ng pagkain sa bansa,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“Patuloy naming pananagutin ang mga indibidwal at mga negosyo na umiiwas sa ating regulatory system. Nariyan ang mga regulasyong ito upang matiyak na tanging ang ligtas, tunay na rehistrado, at de-kalidad na agricultural inputs lamang ang makararating sa ating mga magsasaka. Hindi kami magdadalawang-isip na ipatupad ang batas laban sa sinumang lalabag,” ani Estrada.
Nahaharap ang respondent sa umano’y paglabag sa Sections 8(a), 8(g) at 9 ng Presidential Decree No. 1144. /Bistado


