Nagpasalamat ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Senado dahil sa pagsuporta sa wage increase ng minimum wage workers sa Metro Manila.
Partikular na tinukoy ni Labor Secretary Francis N. Tolentino ang Senate Resolution No. 577 na inihain ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Nilagdaan noong August 4 ang resolusyong nagpapahayag ng suporta ng Senado sa agarang pag-alis ng temporary restraining order laban sa Wage Order No. NCR-27.
Nanawagan din ito ng judicial restraint sa mga usaping ipinagkatiwala ng batas sa wage-setting authorities.
Nagpahayag din ang Senado ng suporta sa DOLE, National Wages and Productivity Commission at Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region.
Pinasalamatan ng DOLE ang pamumuno nina Senate President Sherwin Gatchalian, Zubiri at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagsusulong na maipatupad ang statutory wage increases sa NCR at iba pang rehiyon.
Noong July 30, pansamantalang pinatigil ng Pasig Regional Trial Court hanggang August 13 ang pagpapatupad ng Wage Order No. NCR-27. Saklaw nito ang pagtataas sa arawang sahod ng minimum wage workers sa NCR simula July 25.
Nauna nang inihayag ni Tolentino na nakikipagtulungan ang DOLE sa Office of the Solicitor General upang kuwestiyunin ang TRO.
“Ang posisyon ng DOLE ay isulong po iyon (wage hike) kasi nga kami nga ‘yung testigo rito (TRO), eh. Kami ‘yung nagpapatunay. Kami lang ‘yung nagpapatunay na tama ‘yung proseso, tama ‘yung ibinigay na ₱60, ₱25. Tama po ‘yung pinagdaanan ng lahat sang-ayon sa Labor Code of the Philippines,” ani Tolentino.
Tiniyak ng DOLE na patuloy nitong isusulong ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan ang dignidad ng mga Pilipinong worker. /Bistado


