Ibinasura ng Supreme Court ang mga petisyong kumukuwestiyon sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte sa House of Representatives matapos maging moot o wala nang aktuwal na usaping kailangang resolbahin.
“The SC ruled that the issues raised in the petitions had become moot, or no longer required resolution, because the House had already approved and transmitted the Articles of Impeachment to the Senate,” pahayag ng SC nitong Miyerkules.
Inihain ang mga petisyon nina Duterte, abogado niyang si Israelito Torreon at iba pa. Iginiit nilang lumampas umano ang Kamara sa constitutional authority nito nang mangalap ng ebidensiya at pilitin ang mga saksi na humarap sa mga pagdinig.
Kinuwestiyon din nila ang findings na sufficient in form, substance at grounds ang impeachment complaints.
Ipinaliwanag ng SC na natapos ang papel ng Kamara nang aprubahan at ipadala nito sa Senado ang Articles of Impeachment.
“As a result, the actions the petitioner sought to stop had already been completed,” ayon sa hukuman.
Nagsimula na rin ang paglilitis sa Senate Impeachment Court. Bagama’t maaaring magpasya ang SC sa ilang moot cases, wala umano sa mga kinikilalang exception ang mga petisyon.
Hindi nagpasya ang SC kung guilty o innocent si Duterte. Hindi rin awtomatikong pinagtibay ng dismissal ang lahat ng ginawa ng House o ginawang admissible ang mga ebidensiya ng prosekusyon.
Senator-judges pa rin ang magpapasya sa admissibility, credibility at bigat ng ebidensiya matapos mapakinggan ang prosekusyon at depensa.
Tinanggap naman ni House prosecutor Terry Ridon ang desisyon. “Maraming salamat sa Korte Suprema sa pagbasura ng lahat ng mga petisyon laban sa impeachment ni Vice President Sara Duterte,” ani Ridon.
Ang House proceedings ay tinawag noon ng kampo ni Duterte na unconstitutional na “mini-trial” at “fishing expedition.” Iginiit naman ng House Committee on Justice na probable cause lamang ang tinutukoy nito at hindi ang guilt ng Bise Presidente.
Noong May 4, inaprubahan ng komite ang ulat at Articles of Impeachment matapos makakita ng probable cause. Pinagtibay ito ng Kamara noong May 11 at ipinadala sa Senado.
“Bunsod ng desisyong ito, tapos na ang lahat ng usapan patungkol sa mini-trial at fishing expedition na paulit-ulit na propaganda ng kampo ng Pangalawang Pangulo,” ani Ridon.
Magkaiba ang kasalukuyang dismissal sa naging aksiyon ng SC noong 2025, nang ipawalang-bisa nito sa constitutional grounds ang naunang Articles of Impeachment. Bagong complaints ang inihain at pinroseso noong 2026 bago ipinadala sa Senado ang kasalukuyang Articles.
Nagsimula ang Senate trial noong July 6. Kasalukuyang naghaharap ng ebidensiya ang prosekusyon sa Article I hinggil sa umano’y misuse, misappropriation at irregular liquidation ng P612.5 milyong confidential funds—P500 milyon sa Office of the Vice President at P112.5 milyon sa Department of Education.
Itinanggi ni Duterte ang wrongdoing. Maaari pa ring tumutol ang kanyang mga abogado sa ebidensiya, mag-cross-examine ng mga saksi at magharap ng sariling testimonya at dokumento.
“Nasa Senate Impeachment Court na ang nag-iisang laban para sa katotohanan at pananagutan,” ani Ridon. /Bistado


