Umikot sa P73.287 milyong disallowance at umano’y kulang na supporting documents ng Office of the Vice President ang ika-13 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Natapos nitong Miyerkules ang interpellation ng senator-judges kay dating Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor at CPA-lawyer Roderick Wamil bago humarap ang ikalawang COA witness ng prosekusyon.
Tinalakay sa pagtatanong ang Joint Circular No. 2015-01, pagkakaiba ng acknowledgment at official receipts, at paggamit ng mga alias ng sinasabing tumanggap ng confidential funds.
Ayon sa testimonya ni Wamil, maaaring gamiting patunay ang acknowledgment receipt sa bayad na direktang natanggap ng isang indibidwal. Gayunman, karaniwang kailangan ng official receipt o sales invoice para sa mga binili mula sa commercial suppliers.
Sinuri rin kung tumalima ang mga dokumentong isinumite ng OVP sa Joint Circular No. 2015-01, na namamahala sa paggamit at audit ng confidential at intelligence funds.
Binalikan din ang Item 8.3 ng circular. Nakasaad dito na ang hindi pag-liquidate ng isang accountable officer sa public funds matapos siyang atasan ay maituturing na prima facie evidence na ginamit ang nawawalang pondo para sa personal na pakinabang.
Hindi ito pinal na finding of guilt. Maaari itong pabulaanan ng salungat na ebidensiya, habang impeachment court ang magtitimbang sa buong rekord at sagot ng depensa.
Tinalakay rin na executory ang utos ng COA na isauli ang noncompliant confidential funds maliban kung may temporary restraining order mula sa Supreme Court.
Saklaw ng disallowance ang humigit-kumulang P73.287 milyon mula sa P125 milyong confidential fund ng OVP para sa fourth quarter ng 2022.
Nilinaw sa testimonya na documents-based ang audit. Sinuri nito ang compliance ng mga isinumiteng papeles ngunit hindi inimbestigahan kung sino ang mga taong nasa likod ng mga pangalang posibleng alias sa acknowledgment receipts.
Dahil dito, hindi sapat ang audit ni Wamil upang patunayang tunay, gawa-gawa o alias ang mga pangalan. Kailangan ng hiwalay na ebidensiya upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon sa presentasyon ng prosekusyon, hindi nakapagsumite ang OVP ng kinakailangang katibayan na mag-uugnay sa iniulat na rewards sa matagumpay na information-gathering o surveillance activities.
Kasunod na nanumpa bilang ikalawang COA witness si kasalukuyang COA-ICFAO auditor Xylene Mae Del Ocampo.
Aabot umano sa 4,492 dokumento mula sa OVP at Department of Education ang nakalagay sa 15 evidence boxes na ihaharap ng prosekusyon.
Sa pagsisimula ng kanyang testimonya, inilahad ni Del Ocampo na sa mga DepEd secretary na saklaw ng kanyang audit experience mula 2014 hanggang 2026, sa panunungkulan lamang ni Duterte nagkaroon ng confidential funds ang kagawaran. /Bistado


