Live na sa Pilipinas ang Apple Pay, na nagbibigay-daan sa mga gumagamit ng iPhone at Apple Watch na magbayad sa mga contactless terminal nang hindi inilalabas ang kanilang physical debit o credit card.
Inilunsad ang serbisyo noong August 4. Maaari rin itong gamitin sa pagbili sa apps at websites gamit ang iPhone, iPad at Mac.
Sa initial rollout, suportado ang mga kuwalipikadong debit, credit at prepaid Mastercard o Visa card mula sa Chinabank, GoTyme Bank, Metrobank at UnionBank. Maaaring madagdagan pa ang partner banks habang lumalawak ang serbisyo.
“The Philippines is home to a digital-first generation that is rapidly embracing a vision for a cashless future, all while expecting security and privacy at every step,” ani Apple Vice President for Apple Pay and Apple Wallet Jennifer Bailey.
“Apple Pay makes everyday payments simple, secure, and seamless — whether users are shopping in stores or online — with no need to open another app. We’re thrilled to bring Apple Pay to users in the Philippines, making it easier than ever to pay with the privacy and security they expect from the devices they love,” dagdag niya.
Para magbayad sa tindahan, kailangang i-double-click ang side o Home button, kumpirmahin ang transaksiyon gamit ang Face ID o Touch ID, saka ilapit ang itaas na bahagi ng iPhone o display ng Apple Watch sa contactless reader.
Sa apps at websites, hindi na kailangang paulit-ulit na gumawa ng account o mag-type ng contact information, card details, at shipping at billing information.
Built-in na ang Apple Pay sa mga suportadong Apple device kaya hindi na kailangan ng hiwalay na app. Maaari itong gamitin sa iPhone 6 o mas bagong modelo na may iOS 12.5.2 o mas bago. Suportado rin ang Apple Watch Series 4 o mas bago na may watchOS 9 at naka-pair sa iPhone 8 o mas bagong modelo.
Maaari namang kumuha ng virtual debit card ang GoTyme customers sa bank app at virtual credit card ang UnionBank customers sa website nito. Maaaring agad na idagdag ang virtual card sa Apple Pay.
Patuloy ding matatanggap ng cardholders ang parehong rewards at benefits na ibinibigay ng kanilang debit o credit card.
Kabilang sa mga physical merchant na tumatanggap ng Apple Pay ang Abenson, Anko, Ayala Malls Cinemas, Ayala Malls, Beyond the Box, Coach, Digimap, Foot Locker, Globe, HOKA, Hollister, Jollibee, Lush, Power Mac Center, Rustan’s, SaladStop!, Shake Shack, Smart, The Loop, The Matcha Tokyo, The Movie Snackbar, The Underbelly at WalterMart Supermarket.
Tinatanggap din ito sa apps at websites ng foodpanda, Jollibee, Rustan’s at Shopee. Sisimulan din ng Maya Business ang pag-enable ng Apple Pay para sa mahigit 5,000 online merchants.
Sa seguridad, hindi iniimbak sa device o Apple servers ang aktuwal na card number. Sa halip, gumagawa ng encrypted Device Account Number na ligtas na inilalagay sa Secure Element ng device.
Hindi rin nagtatago ang Apple ng transaction information na maaaring direktang iugnay sa user. Nananatili ang detalye ng bayaran sa pagitan ng customer, merchant at card issuer.
Kapag nawala o nanakaw ang iPhone, maaaring gamitin ang Find My app upang hanapin o i-lock ang device at suspendihin ang Apple Pay transactions.
Available na ang Apple Pay sa mahigit 90 bansa at rehiyon at suportado ng higit 11,000 banking partners sa buong mundo.
Kasunod ang paglulunsad nito sa pagpasok ng Google Pay at Garmin Pay sa bansa. Target ng Bangko Sentral ng Pilipinas na umabot sa 60 hanggang 70 porsiyento ng retail payment volume ang digital transactions pagsapit ng 2028. Noong 2024, nasa 57.4 porsiyento na ang bahagi nito sa kabuuang buwanang retail transaction volume. /Bistado


