Kakalas na sa Pilipinas ang Switzerland-based cement giant na Holcim Group matapos makipagkasundo na ibenta ang lokal nitong negosyo sa China-based Huaxin Building Materials sa transaksiyong nagkakahalaga ng hindi bababa sa $807 milyon.
Sa unang bahagi ng bentahan, ililipat ng Holcim sa Wuhan-based company ang 67.623 porsiyentong stake nito sa Holcim Philippines sa halagang $527 milyon.
Hindi agad ibebenta nang buo ang natitirang bahagi. Plano ng Holcim na ilipat sa Huaxin ang nalalabi nitong humigit-kumulang 31 porsiyentong stake sa loob ng susunod na tatlo hanggang limang taon sa minimum na halagang $280 milyon.
Maaari pang lumaki ang kabuuang halaga ng transaksiyon “based on incremental value creation during this period,” ayon sa Holcim.
Sa ganitong ayos, mananatili muna ang bahagi ng Holcim sa kumpanyang Pilipino habang isinasagawa ang unti-unting paglipat ng buong negosyo sa Huaxin.
Inaasahang makukumpleto sa unang kalahati ng 2027 ang bentahan ng majority stake, ngunit kailangan muna nitong dumaan sa karaniwang regulatory at iba pang kinakailangang pag-apruba.
Isa ang Holcim Philippines sa pinakamalalaking gumagawa ng semento sa bansa. Mayroon itong apat na cement plant, isang grinding mill, limang pantalan at malawak na distribution network sa buong Pilipinas.
Umaabot sa 10 milyong metriko tonelada kada taon ang kapasidad nito sa paggawa ng semento. Nagsusuplay ang kumpanya sa mga commercial, residential at infrastructure project sa bansa.
Noong 2023, binili ng Holderfin B.V. ang mga shares ng mga minority stockholder at kinuha ang buong kontrol sa Holcim Philippines. Kasunod nito, inalis ang kumpanya sa listahan ng Philippine Stock Exchange.
Ang pagbili ay magbibigay sa Huaxin ng direktang presensiya sa industriya ng semento sa Pilipinas, kabilang ang mga planta, pantalan at distribution network ng Holcim Philippines.
Para naman sa Holcim, bahagi ang pagbebenta sa patuloy nitong pamamahala at pagbabago sa pandaigdigang portfolio upang mailaan ang mga kagamitan at puhunan sa mga merkado at negosyong itinuturing nitong may mas malakas na estratehikong oportunidad.
Nakabase sa Zug, Switzerland ang Holcim. Nakapagtala ito ng CHF15.7 bilyong net sales noong 2025 at may mahigit 50,000 empleyado sa 45 bansa.
Kabilang sa pangunahing pokus ng kumpanya ang sustainable at low-carbon construction solutions sa pamamagitan ng mga produktong gaya ng ECOPact at ECOPlanet. /Bistado


