Buhay na naman ang Philippine Men’s National Football Team (PMNFT) sa 2026 ASEAN Championship-Hyundai Cup matapos ang 4-1 panalo laban sa Laos sa National Stadium sa Vientiane noong Sabado.
Nabawi ng Pilipinas ang pagkaka-iwan sa halftime sa pamamagitan ng apat na walang sagot na goal sa second half upang makuha ang unang panalo sa torneo.
Umangat ang Pilipinas sa tatlong puntos sa Group B na may patas na goal difference. Natalo ito sa Myanmar, 1-4, sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac noong Martes.
Napantayan din nito ang pinakamalaking panalo laban sa Laos sa ASEAN Championship noong 2014 sa Hanoi.
Uuwi ang PMNFT para sa isa na namang mahalagang laban kontra Thailand alas-9 ng gabi sa Martes sa New Clark City pa rin.
“The main target was to win and to stay in the competition, and we did that and moved on. So congratulations to the team,” ani team manager Patrick Reichelt.
Pinuri ni head coach Carles Cuadrat ang naging tugon ng kanyang mga manlalaro.
“The boys understood what we needed in the second half and showed the right character to find a way to get the result,” ani Cuadrat.
Maagang makapuntos ang Laos nang samantalahin ni Damoth Thongkhamsavath ang maluwag na bola kasunod ng unang save ni goalkeeper Quincy Kammeraad para sa 1-0 kalamangan sa ikapitong minuto.
Makalipas ang limang minuto, nabawasan ng isang manlalaro ang Laos matapos makatanggap si Phetdavanh Somsanith ng direktang pulang kard dahil sa mapanganib na tackle kay Jarvey Gayoso sa midfield.
Sa kabila ng bentaha sa bilang ng manlalaro, nahirapan mahanap ng Pilipinas ang equalizer bago ang halftime.
Ilang beses na napwersa ni Kenji Nishioka si goalkeeper Kop Lokphathip na gumawa ng save, habang ang kanyang headed finish mula sa krus ni Gavin Muens sa ika-26 minuto ay hindi binilang dahil sa offside matapos ang video assistant referee (VAR) review.
Muntik na rin maka-iskor si team captain Daisuke Sato sa pamamagitan ng header mula sa corner kick ni Sandro Reyes, habang bahagya ring sumablay ang malakas na tira ni Nishioka sa mga huling sandali ng first-half stoppage time.
Naipantay ni fullback John Lucerovang iskor dalawang minuto pa lamang sa ikalawang kalahati matapos niyang maipasok ang pasa ni Scott Woods kasunod ng unang clearance ni Kop Lokphathip para sa kanyang unang goal sa senior international level.
Pagkalipas ng limang minuto, ang walang humpay na pag-atake ng Pilipinas ay nagbunga ng own goal ng Laos matapos aksidenteng maipasok ni Viengxay Sidavong sa sariling goal ang tira ni Cole Mrowka kasunod ng mabilis na opensibang sinimulan ni Javier Mariona.
Pinalawak pa ng Pilipinas ang kalamangan sa 60th minute nang mahinahong maipasok ni Gayoso ang penalty kick para sa kanyang ikapitong international goal.
Iginawad ang penalty matapos kumpirmahin ng VAR na hinawakan ni Phoutthavong Sangvilay ang tira ni Gayoso sa loob ng penalty area.
Tinapos ni Sato ang pag-iskor sa 88th minute sa pamamagitan ng header mula sa eksaktong free kick ni Nishioka mula sa kaliwang bahagi ng field para sa kanyang ikaapat na international goal.
“After the goal conceded, we were able to come back, we were able to fix the things that needed to be fixed. In the second half, we used both spaces between the midfield and the opponent so we got nice areas. Those areas we maximized so that we break through the defense line of Laos,” ani Nishioka.


