Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Palasyo: ‘Win-win’ solution sa wage hike issue, hahanapin

Susundin ng pamahalaan ang temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng P85 arawang dagdag-sahod sa Metro Manila, ngunit hahanap ito ng solusyong patas sa mga manggagawa at negosyante.

Inihayag ito ng Malacañang matapos pigilan ng Pasig Regional Trial Court Branch 152 ang pagpapatupad ng Wage Order No. 27 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region.

“Tayo ay susunod sa korte kung ano ang pinag-uutos ng korte,” ani Palace Press Officer Claire Castro sa isang video message.

Gayunman, tiniyak niyang hindi tatalikuran ng administrasyon ang kapakanan ng mga manggagawa.

“Hindi pa po dito natatapos ang laban. Ilalaban po kung ano po ang nakikita ng pamahalaan na nararapat sa ating mga manggagawa,” ani Castro.

Kikilala rin umano ang pamahalaan sa mga alalahanin ng mga may-ari ng negosyo kaugnay ng epekto ng mas mataas na gastos sa pasahod.

“Pero pakikinggan din po ng pamahalaan kung ano po ang hinaing ng mga negosyante,” ani Castro.

Iginiit niyang kailangang balansehin ang interes ng magkabilang panig upang hindi humantong sa mas mabigat na problemang pang-ekonomiya.

“Mas maganda po talaga na maging balanse ang pagtingin dito para hindi magkaroon ng mas malalim na problema o suliranin para both parties,” dagdag niya.

Target ng pamahalaan na makahanap ng patas at pangmatagalang resolusyon upang parehong makinabang ang mga empleyado at employer.

“Ang employees and employers ay magkaroon ng win-win solution sa isyu na ito,” ani Castro.

Inilabas ng korte sa Pasig ang TRO isang linggo matapos magkabisa ang P85 arawang dagdag-sahod sa National Capital Region. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles