Nagsanib-pwersa ang Department of Justice (DOJ) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang palakasin ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa financial account scams.
Nilagdaan ng dalawang ahensya noong July 22 ang Information Sharing Agreement para sa pagpapatupad ng Anti-Financial Accounts and Scamming Act (AFASA) at pag-usig sa mga kaugnay na paglabag.
Lumagda sa kasunduan sa BSP Head Office sa Manila sina DOJ Undersecretary Nicholas Felix L. Ty, na kumatawan kay Justice Secretary Fredderick A. Vida, at BSP General Counsel Roberto L. Figueroa, na kumatawan kay BSP Governor Eli M. Remolona Jr.
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ang Office of Cybercrime ng DOJ ng ligtas na mekanismo upang makakuha mula sa BSP Consumer Account Protection Office ng impormasyon tungkol sa mga financial account na kailangan sa mga imbestigasyon sa ilalim ng AFASA.
Maaari ring i-refer ng BSP sa DOJ ang mga reklamo, incident report at iba pang impormasyong may kaugnayan sa hinihinalang paglabag sa batas para sa pagsusuri, imbestigasyon at kaukulang aksyon.
“The agreement strengthens a whole-of-government approach to combat financial account scams through enhanced interagency coordination and information sharing,” ani Ty.
Kumpiyansa naman si Vida na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DOJ at BSP, mapapanagot ang mga nanloloko at nagnanakaw ng pinaghirapang pera ng publiko, habang mabibigyan ng hustisya ang mga biktima. /Bistado


