Nakalaya sa kulungan si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sa kasong may kaugnayan sa umano’y P92.8-milyong “ghost” flood-control project sa Pandi, Bulacan.
Naglagak si Revilla ng P1-milyong cash bond noong Hulyo 31 at lumabas sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas bandang alas-6:14 ng gabi.
Sa 107-pahinang resolusyong isinulat ni Associate Justice Fritz Bryn Anthony M. Delos Santos, ipinasiya ng mayorya ng Sandiganbayan Third Division na hindi naipakita ng prosekusyon na matibay ang ebidensiya laban kay Revilla sa kasong malversation through falsification of public documents.
Pinayagan siyang makapagpiyansa “for failure of the prosecution to establish that the evidence of his guilt is strong.”
Hindi ito nangangahulugang napawalang-sala si Revilla. Nakatuon lamang ang pasya sa karapatan niyang makapagpiyansa habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Ayon sa mayorya, walang sapat na paglalahad kung paano umano isinama ni Revilla ang proyekto sa pambansang badyet. Naganap din umano ang malversation sa implementasyon ng proyekto, kung saan hindi napatunayang direktang nakibahagi ang dating senador o nakipagkasundo upang gawin ang krimen.
Tinanggihan naman ang piyansa nina dating Department of Public Works and Highways officials Brice Ericson Diaz Hernandez, Jaypee De Leon Mendoza, Arjay Salvador Domasig, Emelita Capistrano Juat, Juanito Coronel Mendoza at Christina Mae Del Rosario Pineda dahil itinuring na matibay ang ebidensiya laban sa kanila.
Ayon sa prosekusyon, idineklarang tapos ang proyekto sa Barangay Bunsuran kahit walang aktuwal na estrukturang itinayo. Lumitaw din umano sa inspeksiyon ng korte na walang flood-control structure sa lugar.
Inakusahan ang mga nasasakdal na nagpalsipika ng accomplishment reports at billing documents at nag-endorso ng disbursement vouchers. Sa P92.8-milyong halaga ng proyekto, hindi bababa sa P76.9 milyon umano ang ibinayad sa SYMS Construction Trading.
Iniuugnay naman si Revilla, dating chairman ng Senate Committee on Public Works, sa umano’y pagkuha ng listahan ng mga proyekto sa DPWH, pagpapasok sa proyekto sa 2025 General Appropriations Act at pagtanggap ng kickbacks o komisyon. Mariin niyang itinanggi ang mga paratang.
Kumontra sa pasya si Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda. Para sa kanya, si Revilla ay “not a peripheral participant but an indispensable member of the alleged conspiracy.”
Iginiit ni Miranda na mahalaga umano ang papel ni Revilla bilang project proponent at sinasabing tumanggap ng advance kickbacks. Kinuwestiyon din niya kung bakit napayagang makalaya ang dating senador habang nananatiling nakakulong ang mga kapwa akusado na, maliban kay Hernandez, ay hindi umano napatunayang nakinabang sa kickbacks.
Samantala, hindi ikinagulat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang desisyon.
“Well, it’s just part of the battle. Alam mo, we are fighting a big war, it’s just one battle,” ani Remulla.
“It’s an eye-opener that we have to fight harder for us to win the war against corruption,” dagdag niya.
Balak din ni Remulla na makipagdayalogo kay Chief Justice Alexander Gesmundo, kasabay ng paggiit na kailangan ang pagtutulungan ng Ombudsman at hudikatura sa kampanya laban sa katiwalian.
Nauna nang naglagak si Revilla ng P90,000 piyansa sa hiwalay na kasong graft sa Sandiganbayan Fourth Division. Magpapatuloy ang paglilitis sa mga kasong may kaugnayan sa pinagtatalunang flood-control project. /Bistado


