Bumuo ang Department of Energy (DOE) ng Joint Task Force kasama ang Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA) at mga electric cooperative upang isulong ang pag-aalis ng system loss charges at kaukulang value-added tax sa electric bills.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address noong Hulyo 27 na hindi dapat pasanin ng mga consumer ang halaga ng kuryenteng hindi nakararating sa kanilang tahanan.
Pangungunahan ng task force ang technical, regulatory at legislative work na kailangan upang maisakatuparan ang reporma at makapaghatid ng mas patas na singil, mas matibay na consumer protection at mas episyenteng power sector.
Noong July 28, nakipagpulong ang DOE sa ERC at Manila Electric Co. upang talakayin ang mga patakaran, regulasyon at pagbabago sa batas na kailangan para maibaba ang electricity bills.
Nakikipag-ugnayan din ang kagawaran sa iba pang private distribution utilities upang matiyak na magbibigay ng makabuluhang matitipid sa mga consumer ang mga reporma nang hindi naaapektuhan ang maayos na operasyon ng serbisyo.
Magsisilbi ang Joint Task Force bilang coordinating body sa komprehensibong pagrepaso sa mga panukala. Isasama rin sa proseso ang iba’t ibang stakeholder upang maprotektahan ang interes ng mga consumer, mapahusay ang operasyon at mapatatag ang pangmatagalang reliability ng power sector.
Kinikilala ng DOE na kailangang amyendahan ang ilang umiiral na batas, kabilang ang mga probisyon ng Electric Power Industry Reform Act, at baguhin ang kaukulang regulatory rules.
Maghahanda ang task force ng technical recommendations na maaaring gamiting gabay ng Senado at Kamara sa pagbuo ng batas para sa mas abot-kaya, maaasahan at matatag na sektor ng enerhiya.
Habang inaayos ang mga pagbabago sa batas, kikilos din ang DOE, ERC, NEA, electric cooperatives at iba pang industry stakeholders upang bawasan ang system loss sa pinagmumulan nito.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapahusay ng operasyon, mas mahigpit na kampanya laban sa electricity theft at modernisasyon ng distribution networks. /Bistado


