Ikinalungkot ni Labor Secretary Francis Tolentino ang temporary restraining order (TRO) na pumigil sa pagpapatupad ng P85 dagdag-sahod sa National Capital Region, ngunit tiniyak niyang susunod ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa korte.
“Malungkot ako para sa mga manggagawa pero susunod tayo sa utos ng husgado,” ani Tolentino sa pahayag na inilabas sa Facebook page ng DOLE nitong Huwebes.
Tumanggi naman siyang pangunahan ang paliwanag sa naging batayan ng korte sa pagpigil sa wage order.
“Kung anuman ang naging basehan ng husgado ng paglalabas ng TRO, hayaan na po natin na sila ang magpaliwanag,” aniya.
Tiniyak ni Tolentino na patuloy na tutuparin ng DOLE ang mandato nitong pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa alinsunod sa mga umiiral na batas.
Inilabas ni Pasig Regional Trial Court Branch 152 Judge Marie Joyce Manongsong nitong Huwebes ang TRO laban sa Wage Order No. 27 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region.
Nag-ugat ang usapin sa petisyong inihain ng dalawang construction firm—Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc.—na humihiling na harangin ang P85 arawang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.
Naipatupad noong July 25 ang unang bahagi ng wage hike, na nagdagdag ng P60 sa arawang minimum wage sa rehiyon.
Nakatakda naman sanang ipatupad sa January 20, 2027 ang natitirang P25 na dagdag. /Bistado


