May isang sosyal na business district ang laman ngayon ng bulung-bulungan ng mga kabisto matapos ang isang holdapan sa loob ng isang high-end restaurant.
Ayon sa mga kabisto, kabilang umano sa mga nabiktima ang isang erederong tagapagmana ng isang malaking business empire. Ang mas masaklap daw, ilang sandali bago ang insidente ay kakabili lang umano nito ng isang mamahaling Swiss watch sa isang luxury boutique na malapit lang sa restaurant.
Hindi na raw ito nasuot nang matagal dahil kasama raw ang naturang relo sa mga mahahalagang gamit na natangay sa holdapan.
Pero ayon sa mga kabisto, ang mas nakatawag ng pansin ay hindi ang mamahaling relo. Kundi ang mga sumunod na araw, este buwan.
Habang umiikot ang kuwento sa mga empleyado, negosyante, at regular na tambay sa business district, tila wala raw gaanong narinig ang publiko tungkol sa nangyari. Lumipas ang mga linggo. Lumipas ang mga buwan.
Hanggang sa unti-unti nang may mga nagtatanong. May nangyari ba talaga? O may ayaw lang pag-usapan?
Kalaunan, naglabas ng pahayag ang may-ari ng business district na pinalakas nila ang seguridad matapos ang insidente. Nagdagdag din umano sila ng security personnel at mas pinaigting ang koordinasyon sa mga awtoridad.
Pagkaraan nito, naglabas naman ng advisory ang city hall ng syudad in question na nagsasabing walang katotohanan ang mga bulong-bulongan. “Fake news” pa nga raw na may nangyaring holdapan. Talk about media blackout.
Para sa mga kabisto, may dalawang magkaugnay na usapin dito. Una, kung may nangyari nga bang insidente, at kung oo, bakit more more pa-statement pa ang local government? Ang ikalawa, kung sapat ba ang naging impormasyon at paliwanag sa publiko matapos itong mangyari.
Clue para sa mga gustong manghula. Isang business district na kilala sa mga matatayog na gusali, mamahaling tindahan, at mga executive lunches at dinners. Exact location, may kanta si Bamboo na ganun ang pamagat. Ang isa sa mga umano’y nabiktima ay mula sa isang pamilyang matagal nang kabilang sa pinakamalalaking pangalan sa negosyo.
Yun na. Bistado!


