Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

OCTA: Presyo, sahod, korapsyon pangunahing problema ng mga Pinoy noong Q2

Pagkontrol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ang pinakamabigat na usaping nais agad aksyunan ng administrasyong Marcos, ayon sa survey ng OCTA Research na inilabas nitong Martes.

Isinagawa ang survey mula Hulyo 4 hanggang 11 sa 1,200 adult Pinoys. Tinanong ang mga kalahok: “Among the following national issues, which in your opinion are the most important issues which the administration of President Ferdinand Marcos Jr. must act on immediately?”

Nanguna ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo sa 37 porsiyento, kasunod ang pagpapataas o pagpapahusay ng sahod ng mga manggagawa sa 34 porsiyento.

Pumangatlo ang paglaban sa graft and corruption sa gobyerno sa 32 porsiyento. Sumunod ang pagkakaroon ng abot-kayang pagkain gaya ng bigas, gulay at karne sa 24 porsiyento, habang 22 porsiyento ang pumili sa pagbibigay ng libre at dekalidad na edukasyon.

Pinakamataas ang pag-aalala sa presyo sa Visayas, kung saan umabot ito sa 42 porsiyento, kasunod ang Balance Luzon sa 41 porsiyento.

Presyo rin ang pangunahing concern sa iba’t ibang antas ng kabuhayan—41 porsiyento sa Class ABC, 40 porsiyento sa Class E at 36 porsiyento sa Class D.

Sa personal na usapin, kalusugan at pag-iwas sa sakit ang nanguna sa 65 porsiyento.

Kasunod nito ang pagkakaroon ng sapat na pagkain araw-araw sa 47 porsiyento; pagkakaroon ng ipon at matatag at mataas na sahod na trabaho o pagkakakitaan, kapwa nasa 41 porsiyento; at pagtatapos sa pag-aaral o pagpapa-aral sa mga anak sa 38 porsiyento.

May ±3 porsiyentong margin of error ang survey sa 95 porsiyentong confidence level. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles