Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Report ni Marcos: P25B halaga ng assets nasagip sa flood control probe, higit P800M naibalik na sa Treasury

Hindi lang kaso ang habol ng gobyerno sa maanomalyang flood control projects. Pati perang umano’y ninakaw sa bayan, binabawi.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit P800 milyon na ang naibalik sa Treasury, habang halos P25 bilyong pera at ari-arian ng mga akusado ang nabawi, na-freeze o napreserba.

Ayon kay Marcos, kabilang sa mga unang nakasuhan at nakulong ang “mga kontratista,” “matataas na opisyal ng DPWH,” at “pati na ang mga mambabatas.”

Hindi niya pinangalanan ang mga akusado pero sinabi niyang hinarang din ng pamahalaan ang bayad para sa mga depektibo, peke o guni-guning proyekto na mapupunta lamang umano sa bulsa ng tiwaling kontratista at opisyal.

Ang mahigit P800 milyon, aniya, ay “ibinalik sa Treasury.” Anumang susunod na mabawi ay ibabalik din sa “kaban ng bayan.”

Ipinauubaya ng administrasyon ang pag-uusig sa Office of the Ombudsman at sa pinalakas na National Prosecution Service. Nanawagan din ang Pangulo na hayaang humatol ang mga hukuman, habang tiniyak niyang gumugulong ang “gulong ng hustisya.”

Kasabay ng mga kaso, inilatag ni Marcos ang reporma sa Department of Public Works and Highways. Kabilang dito ang pagpasok ng mga bagong graduate at maaasahang job-order at contract-of-service workers; pagsusuri sa pangangailangan, plano, presyo at pagpapatupad ng mga proyekto; at pagtutugma ng halaga ng materyales sa presyo sa merkado.

Binabantayan din umano ang proyekto at pondo sa pamamagitan ng Transparency Portal, Integrity Chain at mga katuwang na civil-society organization.

Mahalaga rin, ayon sa Pangulo, ang mga sumbong at reklamo ng publiko sa Isumbong sa Pangulo. Ipinakita ng imbestigasyon, aniya, na ang pakikialam at pagbabantay ng mamamayan ay mahalagang sandata laban sa katiwalian.

Iniugnay pa ni Marcos ang mga nasagip na pondo sa mga serbisyong pagkain, edukasyon at kalusugan. Ang punto ng administrasyon: hindi sapat na ikulong ang sangkot—kailangang maibalik at magamit ng taumbayan ang pera. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles