Tama na ang pagpasa sa ordinaryong konsumer ng bayad sa kuryenteng hindi naman niya nagamit.
Ito ang mariing mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address nitong Lunes, kung saan hiniling niya sa Kongreso na baguhin agad ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA.
Pinatutungkulan ng Pangulo ang “systems loss na pinapasa sa consumer”—ang diperensiya sa kuryenteng ipinapasok sa distribution system at sa aktuwal na naihahatid at nasisingil sa mga tahanan. Kabilang dito ang technical losses sa linya at nontechnical losses gaya ng pagnanakaw ng kuryente.
Giit ni Marcos, “Hindi naman kasalanan ng consumer” ang pagkawala ng kuryente sa sistema. Bukod sa systems loss charge, tinatamaan pa ng value-added tax ang bahaging ito ng bayarin.
Kaya mula sa pakiusap ay tumigas ang kanyang tono: “we demand…immediate amendment of the EPIRA” at pagbabawal sa pagsingil nito sa consumers.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9136 o EPIRA, na ipinasa noong 2001, hinati at inayos ang industriya sa generation, transmission, distribution at supply. Pinahihintulutan din ang distribution utilities na ipasa sa bill ang systems loss hanggang sa itinakdang limitasyon. Noong 2022, nagtakda ang Energy Regulatory Commission ng 8.25 porsiyentong cap sa systems loss charge.
May nauna nang panukala si Sen. Risa Hontiveros—Senate Bill No. 2076—na naglalayong alisin ang VAT sa systems loss para sa residential consumers. Mas malawak naman ang panawagan ni Marcos: ipagbawal ang mismong pagpasa ng systems loss at ang VAT na nakakabit dito.
Napapanahon ang usapin dahil ayon sa Department of Energy, umabot sa P12.43 kada kilowatt-hour ang average electricity rate ng Pilipinas noong Hunyo—pinakamataas sa Southeast Asia at bahagyang lampas sa Singapore.
Itinuro ng DOE ang kakulangan sa supply, mga plant shutdown sa Visayas at paggamit ng mas mahal na planta upang maiwasan ang blackout.
Nauna nang iginiit ng Meralco na matagal nang umiiral ang pass-through charges at hindi ito bagong dagdag. Ayon sa kumpanya, wala pang 10 porsiyento ng kabuuang bill ang public-policy charges, habang mahigit kalahati ang generation charge.
Kasabay ng EPIRA amendment, itinulak din ni Marcos ang “‘Sariling Kuryente’ Act” para gawing mas simple at abot-kaya ang paglalagay ng solar panels at battery storage sa mga bahay. /Bistado


