Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Marcos: Agrikultura ng bansa, yumayabong

Mula bukid hanggang bodega, ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas sa agrikultura upang dumami ang ani, mapatatag ang suplay at mapababa ang presyo ng pagkain.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, sinabi ng Pangulo na mula 2023 ay “patuloy na tumataas ang produksyon” ng palay, mais, asukal, baboy at manok. Iniugnay niya ito sa puhunan, farm inputs, kagamitan, kaalaman, insurance, irigasyon at mas mataas na antas ng mekanisasyon.

Sa mismong SONA, binanggit ni Marcos ang 145 rice-processing systems, “tatlong malaking cold storage facilities” at “halos apatnapung libong makinarya” na pinagana umano sa ilalim ng kanyang administrasyon. 

Malaking bahagi rin ng SONA ang ulat ng Pangulo ukol sa niyog. Ayon kay Marcos, nakapagtanim na ang pamahalaan ng “labingwalong milyong puno.” Target nitong umabot sa “isandaang milyong puno ng niyog” sa pagtatapos ng administrasyon sa 2028. 

Sa proteksiyon laban sa peste, sakit at kalamidad, sinabi ng Pangulo na palalawakin ang kaalaman ng magsasaka sa pag-iwas sa avian flu at African swine fever. Umabot umano sa P19 bilyon ang kabayarang naipamahagi sa sektor sa loob ng apat na taon sa ilalim ng agricultural insurance.

Sa repormang agraryo, inulat ng Pangulo na mahigit 400,000 titulo na sumasaklaw sa lampas 500,000 ektarya na ang naipamahagi sa loob ng apat na taon. Target tapusin ang distribusyon sa 2027. Sinabi rin ni Marcos na kukumpletuhin ngayong 2026 ang pagpapawalang-bisa sa utang ng mga benepisyaryo.

Pinalakas din umano ang kakayahan ng National Food Authority na bumili ng ani sa mas magandang presyo at mag-imbak ng buffer stock. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles