Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Makati kagawad binaril; Imbestigasyon, manhunt iniutos ng LGU

MAKATI CITY, Philippines — Sugatan ang isang barangay kagawad at abogado matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Makati City nitong Huwebes ng umaga, July 23.

Kinilala ng pamahalaang lungsod ang biktima bilang Barangay Sta. Cruz Kagawad Atty. John Yland “JY” De Ocampo. Isinugod siya sa ospital at nananatiling ginagamot dahil sa mga tama ng bala.

Mariing kinondena ni Makati Mayor Nancy Binay ang pamamaril at tiniyak ang suporta ng lokal na pamahalaan sa opisyal at kanyang pamilya.

“Marami kong kinokondena ang pangyayari kay Kagawad Atty. John Yland (JY) De Ocampo ng Barangay Sta. Cruz kaninang umaga,” ani Binay.

Ayon sa alkalde, kasalukuyang ginagamot ng mga doktor si De Ocampo. Nakipag-ugnayan na rin ang pamahalaang lungsod sa kanyang pamilya para maibigay ang kinakailangang tulong.

Agad ding inatasan ni Binay ang Makati City Police na tutukan ang kaso, tukuyin ang salarin at arestuhin ang lahat ng responsable sa pag-atake.

“Inatasan ko na ang Makati Police na agarang aksyunan ang kaso nito at gawin ang lahat upang matukoy at maaresto ang mga responsable,” aniya.

Nanawagan din ang alkalde sa mga posibleng saksi o sinumang may impormasyong makatutulong sa imbestigasyon na lumapit sa mga awtoridad.

“Sa sinumang may nakita o may alam na makakatulong, ipagbigay-alam ninyo sa mga awtoridad, at sisiguraduhin namin ang inyong kaligtasan,” dagdag ni Binay.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ipinag-utos din ang pagpapalakas ng police visibility sa Barangay Sta. Cruz at mga karatig na lugar.

Wala pang inilalabas na impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa posibleng motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan ng salarin. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles