Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P96.7-M ice plant sa Bulan, bawas-sirang isda, dagdag-kita sa mangingisda

BULAN, Sorsogon – Nagtatayo ang Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ng P96.7-milyong ice plant sa Bulan Fish Port Complex para mapanatiling sariwa ang isda, mabawasan ang post-harvest losses at mapataas ang kita ng mga mangingisda.

Ininspeksyon nitong Lunes nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at PFDA Acting General Manager Glen A. Pangapalan ang pasilidad, kabilang ang 60-metric ton Ice Plant and Ice Storage. Bahagi ito ng pagpapalakas sa cold-chain network ng bansa.

“Ang seguridad sa pagkain ay hindi lamang tungkol sa paghuli ng mas maraming isda. Tungkol din ito sa pagtiyak na ang bawat kilo ng isdang dumarating sa ating mga pantalan ay napapanatiling sariwa, mahusay na naibebenta, at naihahatid sa mga pamilyang Pilipino sa pinakamagandang kondisyon,” ani Tiu Laurel.

“Ang mga pamumuhunan tulad ng ice plant sa Bulan ay nakatutulong na mabawasan ang post-harvest losses, mapalakas ang fisheries value chain, at mapataas ang kita ng ating mga mangingisda.”

Nasa rutang pandagat na nag-uugnay sa Bicol, Eastern Visayas at mga karatig na lalawigang pulo ang pantalan. Sinusuportahan nito ang mga mangingisda at negosyante mula Northern Samar, Masbate, Leyte at mga kalapit na komunidad.

Noong 2025, nagsilbi ang fish port sa 1,236 kliyente at nakapagtala ng 23,780.50 metric tons na isdang ibinaba, o 65.15 metric tons kada araw. Umakyat ito sa 81.87 metric tons kada araw mula March hanggang June.

Kaya ng bagong planta na gumawa ng 1,200 bloke ng yelo, tig-50 kilo, kada 24 oras. May storage capacity itong 120 metric tons, katumbas ng 2,400 bloke. P130 ang presyo ng bawat 50-kilong bloke, buo man o dinurog.

Dumaraan sa treatment ang tubig bago gamitin. Kayang panatilihing sariwa ng isang kilo ng yelo ang isang kilo ng isda sa loob ng pitong araw.

Isinusulong din ng PFDA ang Phase I expansion ng complex na may bagong trading hall, ice stalls, Materials Recovery Facility at dagdag na espasyo para sa trading, handling at packing.

“Ang pagpapalawak ng Bulan Fish Port Complex ay higit pang magpapatibay sa adhikain ng pamahalaan na magkaroon ng mas matatag na sektor ng pangingisda at mas matibay na seguridad sa pagkain ng bansa,” ani Tiu Laurel. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles