May isang bagong bulung-bulungan ngayon ang mga kabisto mula sa isang probinsya sa South.
Ayon sa kanila, todo naman daw ang upgrade ng mga pampublikong ospital sa ilalim ng bagong administrasyon. Mas maraming hospital beds. Mas maayos na pasilidad. Mas maganda ang mga kagamitan.
Pero may isang detalye raw na hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng ilang healthcare workers at kabisto.
Bakit daw tila pula ang bedsheet ng ilan sa mga bagong hospital beds?
Hindi naman daw usapin ng fashion o interior design ang tanong. Ayon sa mga kabisto, matagal nang pamantayan sa maraming ospital sa buong mundo ang paggamit ng puting linen dahil mas madaling makita kung may dugo, dumi, o iba pang contaminants. Mas madali rin daw itong linisin at i-sanitize.
Kaya tuloy may mga napapaisip.
Nagkataon lang ba ang kulay?
O may gusto bang ipaalala sa bawat pasyenteng hihiga sa kama?
Hindi naman lingid sa marami na pula ang political color ng kasalukuyang lider ng naturang lalawigan. Kaya ayon sa ilang kabisto, sayang naman kung pati ospital ay magiging extension ng political branding.
Ang tanong ng ilan, kung medical procurement ang pinag-uusapan, sino ang nagdesisyon sa kulay? At ano ang naging batayan?
Para sa mga kabisto, maliit na detalye lang ang bedsheet. Pero sa ospital, ang maliliit na detalye ang madalas may pinakamalaking epekto sa kalinisan, infection control, at tiwala ng pasyente.
Clue para sa mga gustong manghula: Babaeng lider ng isang kilalang probinsya sa South. Dating broadcast journalist. At ang paboritong kulay ng kanyang kampo ay kapareho ng kulay ng mga bedsheet na pinag-uusapan ngayon.
Yun na. Bistado!


