MAKATI CITY – Sa likod ng walang markang pinto sa Salcedo Village, may bar na hindi lakas ng tugtog o dami ng alak ang panlaban. Sa 78-45-33, tahimik ang mga bisita habang live music ang bida.
Matatagpuan ang listening bar sa ground floor ng LPL Mansions, 44 San Agustin Street. Halos 30 katao lamang ang kasya sa silid na may mga sofa, lounge chair at mahinang ilaw.
Nakahilera sa dingding ang tinatayang 1,000 vinyl record ni owner Tonyboy de Leon. Hinango ang pangalang 78-45-33 sa tatlong classic record speeds na sinusukat sa revolutions per minute.
Binuksan ni De Leon ang bar noong 2017 dahil kailangan niya ng lugar para sa kanyang koleksyon at sound system. “If I pay the rent, I pay the electricity, the staff, I don’t make money, okay lang,” kuwento niya.
Audiophile at organizer ng taunang November Hi-Fi Show si De Leon. Nais niyang magtatag ng lugar kung saan malinaw at maayos ang tunog ng musika.
Nag-eksperimento ang bar sa live performances na walang mikropono, amplifier o speaker. Para kay De Leon, electronics “rob something from the voice.” Sa halip na mas malakas na sound system, namuhunan ang 78-45-33 sa Steinway baby grand piano at premium DW drum set.
Karaniwang P500 bawat set ang tiket at mas mabuting bumili nang maaga dahil limitado ang upuan. Direktang napupunta sa artists ang door fees, habang sa pagkain at inumin kumikita ang bar.
May martini, red wine at truffle popcorn, pero pandagdag lamang ang mga ito sa musika. Bago ang bawat isang oras na pagtatanghal, pinatatahimik ang mga bisita.
Mas diretso ang bilin ni De Leon. “Shut the f*** up,” bigkas niya bago magsimula ang bawat presentasyon. Nakabantay din ang kapatid niyang si Popit de Leon, kilalang chef at co-owner ng 78, sa pinto para maiwasan ang anumang distraction habang ongoing ang pagtatanghal.
Kabilang sa mga nagtatanghal dito sina vocalist Tin Virtucio at pianist RJ Pineda, na ginawang blues ang ilang rock songs at Nirvana classics.
Tumatanggap ang bar ng jazz, blues, rock, theater at iba pang genre. Nagtanghal na rin dito ang Baihana, mga theater singer at Razorback.
Plano pang magbukas ni De Leon ng acoustically designed theater sa itaas. Magkakaroon ito ng 40 hanggang 45 upuan at entabladong doble ang laki ng kasalukuyang stage.
Nananatiling maliit at tahimik ang 78-45-33. Nakatago ang pinto, pero bukas ang musika sa sinumang handang makinig. /Bistado


