Mas maraming batang Pilipino ang nagtrabaho noong 2025, habang mahigit kalahating milyon ang napabilang sa child labor.
Umakyat sa 868,540 ang working children na may edad lima hanggang 17, mas mataas ng 7,090 mula 861,450 noong 2024, ayon sa preliminary results na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas nitong Miyerkules, July 15.
Bagama’t tumaas mula 2024, mas mababa pa rin ang bilang kumpara sa 1.09 milyon noong 2023.
Lumaki rin ang bahagi ng working children sa kabuuang populasyon ng mga batang nasa naturang edad. Umabot ito sa 3.1 porsyento noong 2025 mula 2.7 porsyento noong 2024. Nasa 3.5 porsyento naman ito noong 2023.
Sa 868,540 working children, 535,390 o 61.6 porsyento ang lalaki. Umabot naman sa 333,150 o 38.4 porsyento ang babae.
Karamihan o 73.5 porsyento ay nasa edad 15 hanggang 17.
Services ang may pinakamalaking bahagi ng working children sa 48.7 porsyento. Sumunod ang agriculture sa 41.2 porsyento at industry sa 10.1 porsyento.
Karamihan o 69.1 porsyento ang nagtrabaho nang 20 oras o mas maikli bawat linggo. Umakyat naman sa 18.4 porsyento ang nagtatrabaho nang 21 hanggang 40 oras, mula 15.2 porsyento noong 2024.
Samantala, umabot sa 513,650 ang bilang ng child laborers noong 2025, bahagyang mas mataas kaysa 509,160 noong 2024. Malaki pa rin ang ibinaba nito mula 678,360 noong 2023.
Hindi lahat ng working children ay itinuturing na child laborers. Kabilang sa child labor ang mapanganib na trabahong maaaring makasama sa kalusugan, kaligtasan, o moralidad ng bata. Saklaw din nito ang pagtatrabaho nang lampas sa itinakdang oras o sa ipinagbabawal na oras ng gabi, depende sa edad.
Katumbas ng 59.1 porsyento ng lahat ng working children ang child laborers, kapareho ng bahagi noong 2024.
Halos tatlo sa bawat apat na child laborers ang lalaki. Nasa 373,650 o 72.7 porsyento sila, habang 140,000 o 27.3 porsyento ang babae.
Apat naman sa bawat limang child laborers, o 80.5 porsyento, ang nasa edad 15 hanggang 17.
Bagama’t services ang nanguna sa working children, agriculture ang may pinakamalaking bahagi ng child laborers sa 65.5 porsyento. Sumunod ang services sa 25.8 porsyento at industry sa 8.7 porsyento. /Bistado


