Mahigit 12.7 milyong manggagawang Pilipino ang nasa mga trabahong posibleng baguhin ng generative artificial intelligence (GenAI), ngunit maliit na bahagi lamang ang nasa pinakamataas na panganib na tuluyang mapalitan.
Ayon sa research brief ng International Labour Organization (ILO), mahigit isa sa bawat apat na trabaho sa Pilipinas ang lantad sa GenAI. Ito ang pinakamataas na exposure rate sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na may bago at maihahambing na datos sa pag-aaral.
Hindi nangangahulugang mawawala agad ang 12.7 milyong trabaho.
Binigyang-diin ng ILO na ang exposure ay karaniwang tumutukoy sa automation ng ilang gawain sa loob ng isang trabaho. Inaasahang mas maraming posisyon ang magbabago kaysa tuluyang mabubura.
Nasa 3.6 porsyento lamang ng mga trabaho sa bansa ang kabilang sa pinakamataas na GenAI exposure category, kung saan mas mataas ang panganib ng displacement.
Hindi naman pantay ang epekto sa mga manggagawa.
Doble ang AI exposure ng kababaihan kumpara sa kalalakihan. Mas marami kasing babae sa clerical, administrative, customer service at professional occupations na may paulit-ulit at knowledge-based tasks na kayang gawin o pabilisin ng AI.
Hindi rin awtomatikong proteksyon ang mataas na pinag-aralan. Partikular na lantad sa pagbabago ang mga babaeng may advanced education dahil marami sa kanila ang nasa knowledge-intensive office jobs.
Bahagyang mas mababa ang kabuuang exposure ng kabataan kumpara sa adult workers. Mas marami naman silang pumapasok sa entry-level service, sales at clerical support jobs na kabilang sa mga posisyong mas nanganganib sa AI-driven displacement.
Mas malaki ang posibleng epekto sa young women kaysa young men.
Pinakamataas ang exposure sa National Capital Region (NCR), kung saan halos dalawa sa bawat limang trabaho ang lantad sa GenAI. Lumalampas naman sa 30 porsyento ang exposure sa Central Luzon at Calabarzon dahil sa konsentrasyon ng information technology-business process management (IT-BPM), finance, administration at professional services.
Habang nakikita ng mga kumpanya ang mas mabilis na trabaho at mataas na productivity, kailangang makasabay ang kasanayan ng mga empleyado.
Inirekomenda ng ILO ang mas malawak na AI literacy, digital training, upskilling at reskilling, lalo na para sa kababaihan at kabataan.
Hinimok din nito ang pamahalaan, employers at labor groups na palakasin ang worker protection at social dialogue para mapamahalaan ang pagbabago sa trabaho at maipamahagi nang mas patas ang pakinabang ng AI. /Bistado


