QUEZON CITY — Sinampahan ng Philippine National Police (PNP) ng reklamong dalawang bilang ng murder ang anim na suspek sa pamamaril na ikinamatay ng negosyanteng si Ceferino “Perry” Mariano at ng kanyang driver sa lungsod.
Sa pamamagitan ng Quezon City Police District (QCPD), inihain ng PNP ang mga reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Lunes, July 13, 2026.
Bukod sa dalawang bilang ng murder, nahaharap din ang anim sa reklamong paglabag sa Republic Act (RA) No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.
Nag-ugat ang kaso sa pamamaril sa kanto ng Timog Avenue at Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) noong April 28, 2026.
Sakay ng isang sasakyan sina Mariano at ang kanyang driver nang ratratin ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo. Isinugod ang dalawang biktima para mabigyan ng lunas, ngunit kapwa sila namatay dahil sa tinamong mga sugat.
Nagsagawa ang mga imbestigador ng sunod-sunod na hakbang para matukoy ang mga taong nasa likod ng krimen.
Kabilang dito ang pagsusuri sa mga kuha ng closed-circuit television (CCTV), pakikipanayam sa mga testigo, digital forensic examination, intelligence validation at forensic analysis.
Ayon sa PNP, nakatulong ang mga nakalap na impormasyon at ebidensya sa pagtukoy sa anim na indibidwal na isinama bilang mga respondent sa mga reklamong inihain sa piskalya.
Patuloy ang QCPD at iba pang kinauukulang yunit ng PNP sa pagsasagawa ng mga naaangkop na hakbang kaugnay ng kaso. Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa mga kaukulang awtoridad habang tinitiyak na susundin ang batas at due process sa pagpapatuloy ng imbestigasyon at pag-usad ng mga reklamo. /Bistado


