Inutusan ng Senate impeachment court nitong Miyerkoles ang pagpapalabas ng subpoenas sa unang grupo ng mga testigo ng House prosecution kaugnay ng confidential funds article laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinagpaliban naman ng korte ang desisyon sa magkahiwalay na mosyon para sa subpoenas sa mga kaugnay na bank records ng Vice President habang hinihintay ang karagdagang pagtatanong ng senator-judges.
Pinagbigyan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang hiling ng prosecution na ipatawag si Marivic Pareja ng House of Representatives Legislative Archives, Museum Management Service at dating Land Bank branch managers na sina Violeta Constantino at Nenita Camposano.
Inutos din ang subpoena duces tecum kay Land Bank official Lynette Ortiz para dalhin ang mga tinukoy na dokumentong may kaugnayan sa confidential funds article.
Pinapunta ang mga testigo sa impeachment court sa July 21 at 22.
Saklaw ng utos ang subpoena ad testificandum, na nag-aatas sa testigo na humarap at magbigay ng testimonya. Para naman kay Ortiz, kasama ang subpoena duces tecum na nag-aatas sa kanya na magsumite ng mga partikular na dokumento.
Samantala, sinabi ni Escudero na nagkasundo ang senator-judges sa caucus na pag-aralan pa ang dalawang nakabinbing mosyon para sa ibang subpoenas.
“For the information of the parties, as well as the viewing public, in caucus, the senator-judges agreed to study the matter more, given that not everyone has actually completed reading the memoranda given by the parties and submitted by the parties, and given that they want more time to look into the complicated issues involved in these two motions for the issuance of subpoena,” ani Escudero.
Sa Lunes, magtatanong ang senator-judges sa prosecution at defense bago aksiyunan ng impeachment court ang mga nakabinbing mosyon.
Sa ilalim ng patakaran ng korte, bawat senator-judge ay may hanggang 10 minuto para magtanong sa bawat panig. Hindi dapat lumampas sa isang oras ang kabuuang pagtatanong sa prosecution at isang oras sa defense.
Nilinaw din ni Escudero ang pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng ebidensiya matapos magtanong si senator-judge Bam Aquino.
Unang ihaharap ng prosecution ang ebidensiya nito sa lahat ng articles of impeachment. Pagkatapos nito, saka ilalatag ng defense ang kanilang panig.
Kasunod ang formal offer of evidence at closing arguments ng magkabilang kampo bago magdeliberate at magpasya ang impeachment court sa bawat article. /Bistado


