Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

SWS: Marcos satisfaction rating umakyat, pero negatibo pa rin sa -7

Umakyat ng walong puntos ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa personal record-low na -15 noong March tungo sa -7 nitong June, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

“The national Social Weather Survey of June 20-29, 2026 found that 38% of adult Filipinos were satisfied, 17% were undecided, and 45% were dissatisfied with the performance of Ferdinand Marcos, Jr. as President,” pahayag ng SWS.

Tumaas ang gross satisfaction mula 33 porsiyento noong March sa 38 porsiyento. Halos hindi gumalaw ang undecided, mula 18 porsiyento sa 17 porsiyento, habang bumaba ang dissatisfaction mula 49 porsiyento sa 45 porsiyento.

“The resulting net satisfaction rating is -7 (% satisfied minus % dissatisfied), classified by SWS as neutral (+9 to -9),” paliwanag ng polling firm. Kinukuha ang net satisfaction sa pagbabawas ng porsiyento ng dissatisfied mula sa satisfied.

Umakyat ang marka ni Marcos sa lahat ng pangunahing lugar.

“As of June 2026, President Marcos’ net satisfaction rating was highest in Balance Luzon at moderate +11, followed by the Visayas at neutral -3, Metro Manila at poor -24, and Mindanao at bad -35,” saad ng SWS.

Kumpara noong March, umakyat ito ng siyam na puntos sa Balance Luzon, 12 sa Visayas, pito sa Metro Manila at lima sa Mindanao.

Sa rural areas, gumanda ang rating mula -9 sa -2. Sa urban areas, umakyat ito mula -20 sa -12. Parehong nagtapos sa -7 ang marka sa mga babae at lalaki.

Malaking pagtaas ang naitala sa mga edad 25 hanggang 34, mula -40 sa -21, at 35 hanggang 44, mula -22 sa -3. Umakyat din ito mula -5 sa -1 sa mga edad 45 hanggang 54 at mula +14 sa +20 sa mga edad 55 pataas.

Sa educational levels, umakyat ang rating sa lahat maliban sa mga may ilang senior high school education, kung saan bumaba ito mula -19 sa -25. Pinakamalaking pagtaas ang naitala sa non-elementary graduates, mula -3 sa +17.

Tinanong din ang respondents kung kaninong interes ang pinaglilingkuran ng Pangulo. Pinayagan silang pumili ng mahigit isang sagot.

“To this, 43% said President Marcos is serving the interests of the rich, 35% said he is serving the interests of the poor, and 25% said he is serving the interests of the middle class,” ayon sa SWS.

Nasa good +42 ang net satisfaction sa mga nagsabing pinaglilingkuran ni Marcos ang mahihirap. Moderate +13 ito sa mga pumili sa middle class at bad -35 sa mga nagsabing mayayaman ang pinaglilingkuran niya.

Isinagawa ang face-to-face survey sa 1,200 adults mula June 20 hanggang 29. Tig-300 respondents ang kinuha sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Nasa ±3 porsiyento ang national sampling error margin at ±6 porsiyento sa bawat pangunahing lugar. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles