BATANGAS CITY – Pitong katao ang inaresto matapos masabat ng mga awtoridad ang P62.2 million halaga ng diesel fuel at isang tugboat sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na bentahan ng petroleum products sa Barangay Wawa, Batangas City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang joint operation ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 4A (CIDG RFU4A), CIDG Batangas, at Batangas Maritime Police.
Nahuli ang mga suspek dahil umano sa pagbebenta at pakikipagkalakalan ng diesel fuel nang walang kinakailangang lisensya mula sa Department of Energy.
Sa operasyon noong July 9 at 10, nasamsam din ng mga awtoridad ang isang tugboat na may kargang 31,199 litro ng diesel fuel, limang plastic containers na may karagdagang diesel, at ang marked buy-bust money.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa kustodiya ng CIDG RFU4A para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng Batangas Maritime Police Station ang nasamsam na tugboat habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. /Bistado


