Pinaigting ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ang kampanya laban sa mga nagpapakalat ng online bomb threats matapos makapagsampa ng walong kaso sa korte ngayong taon.
Ayon sa PNP ACG, mula January 2026 hanggang sa kasalukuyan, agad nitong inaksyunan ang lahat ng bomb threat reports sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng cyber investigation, katuwang ang mga lokal na police unit at internet intermediaries.
Sa kabuuan, walong kaso na ang nairefer sa korte.
Pinakahuli ang dalawang magkakasunod na online bomb threats noong July 8 na nakaapekto sa mga paaralan sa Cavite.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang indibidwal ang nag-post sa social media na may itinanim umanong bomba sa ilang paaralan sa lungsod.
“Humanda kayo, may tinanim kami na bomba sa isa sa mga sumusunod na paaralan… It’s not joke,” ayon sa post.
Hinamon din umano ng mga suspek ang mga awtoridad sa isa pang post.
“Hindi kami takot sa Security Guards, PNP, at Anti-Cybercrime Group.”
Sa kabila ng pagtatangkang itago ang kanilang pagkakakilanlan online, natunton ng mga imbestigador ang account at napag-alamang umano’y pinatatakbo ito ng mga menor de edad.
Dahil dito, nagsampa ang Regional Anti-Cybercrime Unit 4A (RACU 4A) ng criminal complaint sa pamamagitan ng inquest proceedings laban sa Child in Conflict with the Law (CICL), habang ang isa pang menor de edad ay ni-rescue at dinala sa Bahay Pag-asa para sa kaukulang intervention at rehabilitation.
Ayon sa PNP ACG, ipinapakita ng mga insidenteng ito ang lumalalang paggamit ng social media para maghasik ng takot at panic sa publiko.
Binalaan din ng grupo ang publiko na ang paggawa ng bomb threats o bomb jokes sa social media, messaging apps, email, o iba pang electronic platforms ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law.
Sa ilalim ng batas, maaaring makulong nang hanggang limang taon at pagmultahin ng hanggang P40,000, o parehong parusa, ang sinumang mapatutunayang nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba o katulad na banta na nagdudulot ng takot at pagkaantala.
Depende sa sitwasyon, maaari ring maharap ang lumalabag sa iba pang kaso sa ilalim ng Revised Penal Code, kasama ang mas mabigat na parusa alinsunod sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. /Bistado


