Ligtas nang nakauwi sa Pilipinas nitong July 6 ang isang abandonadong batang Pilipino na mahigit isang taon nang nasa pangangalaga ng Al Hussein Social Foundation, isang child care institution sa Jordan.
Dumating ang bata sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City umaga ng Lunes sakay ng Qatar Airways Flight QR934.
Sinamahan siya pauwi ng Migrant Workers Office-Labor Host (MWO-LH) Case Officer Mohamad K. Ismail at Assistance-to-Nationals (ATN) Officer Charisse Malaban ng Philippine Embassy in Jordan.
Pagdating sa bansa, maayos na itinurn over ang bata sa Reception and Study Center for Children (RSCC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa angkop na pangangalaga, proteksyon, at assistance.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa pangangalaga ng Al Hussein Social Foundation ang bata mula pa noong August 2024.
Noong August 2025, binisita nina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac at Undersecretary Jainal T. Rasul ang pasilidad sa Jordan, kung saan nalaman nila ang kalagayan ng bata.
Matapos nito, inatasan ni Cacdac ang legal retainers ng ATN team ng Migrant Workers Office sa Jordan na gawin ang lahat ng hakbang para mapabilis at matiyak ang ligtas na pag-uwi ng bata sa Pilipinas. /Bistado


