Inaprubahan na ng Department of Agriculture (DA) ang mahigit P2.06 billion na farm-to-market road at bridge projects para pabilisin ang infrastructure investments na target magpababa ng logistics costs at magpaluwag ng market access para sa farmers at fisherfolk.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang mga proyekto ay pangunahing popondohan sa ilalim ng World Bank-supported Philippine Rural Development Program (PRDP) Scale-Up.
Saklaw nito ang mahigit 66 kilometers ng mga kalsada at 310 linear meters ng mga tulay sa Zambales, Oriental Mindoro, Masbate, Samar, Bukidnon, at North Cotabato.
Dumarating ang pag-apruba habang pinapalakas ng gobyerno ang agri-food supply chain ng bansa, kung saan ang kakulangan sa rural infrastructure ay patuloy na nagpapataas ng transport costs, nagpapalala ng post-harvest losses, at nagpapahina sa competitiveness ng mga magsasaka.
“These projects are very crucial to our agri-food systems,” sabi ni Tiu Laurel.
Ayon sa kalihim, kasama sa package ang mahahabang farm-to-market roads, kabilang ang pinakamahabang aabot sa 26 kilometers, at mga tulay na magdudugtong sa farming communities at markets.
Para kay Tiu Laurel, ang mga tulay ang pinaka-transformative na bahagi ng programa dahil papalitan nito ang river crossings na madalas hindi madaanan o nagiging delikado kapag masama ang panahon.
“I’m sure these projects will improve the lives of farmers and fisherfolk, lower their expenses, and give them better access to markets,” sabi niya.
Kasama rin sa infrastructure package ng PRDP Scale-Up ang irrigation systems at post-harvest facilities.
Ayon sa DA, bahagi ito ng estratehiya na palakasin ang buong agricultural value chain, hindi lang tugunan ang paisa-isang bottleneck sa sektor.
Sinabi ni Tiu Laurel na nananatiling isa sa pinakamabigat na foreign-assisted programs ng gobyerno ang PRDP Scale-Up dahil sumusunod ito sa mahigpit na pamantayan ng World Bank.
Gayunman, sinabi niya na inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya na pabilisin ang implementasyon dahil kailangang-kailangan na ng mga rural community ang mga proyekto.
Target ng DA na mai-award ang lahat ng natitirang PRDP projects bago matapos ang taon.
Nagpasalamat din si Tiu Laurel sa World Bank sa patuloy nitong tiwala sa Philippine agriculture, kasabay ng pagbanggit na interesado ang lender na palawakin pa ang suporta habang nagpapakita ng resulta ang programa.
Hinimok din niya ang local government units na ipagpatuloy ang paghahanda ng mga proyektong sumusunod sa World Bank standards upang mas mapabilis ang approvals sa hinaharap.
Sa pag-usad ng mas maraming infrastructure projects patungo sa construction, taya ng DA na mas maayos na farm connectivity, modern post-harvest facilities, at mas mahusay na irrigation ang magpapalakas sa food supply chains, magtataas ng rural productivity, at tutulong magpagaan ng pressure sa food prices. /Bistado


