Dapat gamitin ni Vice President Sara Duterte ang impeachment trial bilang pagkakataon para linisin ang kanyang pangalan, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Sa press briefing sa Sutton Place Hotel sa Canada, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang pagharap ni Duterte sa trial ay magbibigay sa kanya ng pagkakataong direktang sumagot sa mga tanong at harapin ang mga testigong maaaring tumestigo laban sa kanya.
Binanggit ni Castro ang naunang pahayag ni Duterte na gusto niya ng “bloodbath” sa impeachment proceedings.
“Iyan naman po ay karapatan ng isang respondent, ng isang defendant, maski na rin ng isang akusado, na harapin personal ang kanyang mga testigo o mga testigo laban sa kanya,” sabi ni Castro.
“At dito mapapakita (kung) ano ang kakayanan ng Bise Presidente upang sumagot sa mga katanungan.”
Ayon kay Castro, mas mabuting ipakita ng Bise Presidente ang transparency at sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum.
Dagdag niya, kung naniniwala ang legal team ni Duterte na wala itong kasalanan, dapat nilang payagan ang Bise Presidente na makilahok sa proceedings.
“Alam naman nila na ‘yung kanilang kliyente ay walang kasalanan at malinis, mas magandang maipakita ito sa buong mga kababayan natin at sa buong mundo na ang Bise Presidente ay malinis. Kung yan ang gusto nila ipakita, mas maganda po ngayon,” sabi niya.
Gayunman, binigyang-diin ni Castro na ang pagpapatakbo ng impeachment proceedings ay nasa Senado lamang bilang impeachment court.
Ayon sa kanya, nirerespeto ng executive branch ang constitutional mandate ng Senado na dinggin at desisyunan ang impeachment case, kabilang ang prosesong gagamitin nito.
“Ito ay ang Senado kung ano man ang magiging proseso dito. Ginagalang po natin yan dahil yan po ay nasa kamay po ng Senado. At kung ano man po ang estratehiya ng mga lawyers, pati ng prosecution, ay nasa kanila po iyan,” sabi ni Castro.
Sa July 2 notice na pinirmahan ni Senate President Sherwin Gatchalian bilang presiding officer, pinatawag ng Senate impeachment court si Duterte na humarap sa pagsisimula ng trial sa July 6, personal man o sa pamamagitan ng kanyang counsel. /Bistado


