VANCOUVER – Ipararating kay President Ferdinand Marcos Jr. ang apela para sa executive clemency ni Mary Jane Veloso, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Sa press briefing sa Sutton Place Hotel sa Canada, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi pa pormal na nakararating sa Pangulo ang clemency appeal, pero daraan ito sa tamang proseso.
“Sa ngayon ay wala pa po akong maibibigay na detalye at hindi pa natin ito napapaabot sa Pangulo. Pero makakarating po ito,” sabi ni Castro.
Si Veloso ay inaresto sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010 matapos makumpiska ng authorities ang 2.6 kilograms ng heroin sa kanyang maleta.
Nahatulan siya ng drug trafficking at sinentensiyahan ng kamatayan.
Kalaunan, nabigyan siya ng last-minute reprieve matapos ipaalam ng Philippine government sa Indonesia na sumuko ang kanyang alleged recruiters.
Noong September 2022, inungkat ni Marcos ang kaso ni Veloso sa pulong nila ni then-President Joko Widodo sa Indonesia.
Mahigit dalawang taon matapos nito, inanunsyo ni Marcos na ire-repatriate si Veloso sa Pilipinas para ipagpatuloy ang natitirang bahagi ng kanyang sentensiya.
Dumating si Veloso sa Pilipinas noong Dec. 18, 2024, at dinala sa Correctional Institute for Women para ipagpatuloy ang kanyang sentensiya.
Nauna nang sinabi ng administrasyon na ang mga usaping may kinalaman sa convicted Filipinos ay hinahawakan sa pamamagitan ng diplomatic channels, katuwang ang host governments.
Paulit-ulit nang umapela si Veloso at ang kanyang pamilya para sa executive clemency, dahil umano biktima siya ng human trafficking. /Bistado


