Muling tututok ang Pilipino saan man sa mundo sa pagsabak ni Alexandra Eala sa second round ng Wimbledon sa London ngayong Huwebes ng gabi.
Na-itala ng 21-anyos na si Eala ang unang panalo sa main draw ng Wimbledon, 6-1, 6-2, laban kay Renata Zarazúa ng Mexico sa All England Club nitong Martes (Miyerkules ng madaling araw, oras sa Pilipinas).
Dahil sa panalong ito, haharapin niya sa ikalawang round ang Australyana na si Maya Joint, na tinalo si 23-time Grand Slam champion Serena Williams noon ding Martes.
Apat na taon mula nang magretiro, bumalik si Williams, edad 44, bilang wild card sa Wimbledon, na pitong beses na nyang napanalunan sa singles at anim na beses sa doubles.
Unang nakakuha ng bentahe ang world No. 29 na si Eala nang ma-break niya ang serve ni Zarazúa upang umabante sa 3-1 sa unang set. Nadagdagan pa niya ito ng isa pang service break upang ma-ipanalo ang set sa iskor na 6-1.
Muling nakakuha ng maagang break si Eala para sa 2-0 na kalamangan sa ikalawang set. Muli niyang na-break ang serve ng kalaban sa ikalimang game at tuluyang tinapos ang laban sa loob lamang ng isang oras at 18 minuto.
“I’m very happy with my first round,” ani Eala. “I think that I played really well and kept the intensity throughout the whole match so I’m hoping to keep this momentum going throughout the week.”
Dinumog muli ng mga Pilipino ang laro, na ikinagulat pa rin ni Eala kahit pa madalas itong mangyari saan man sya lumaban.
“I was really surprised. Well, the Filipinos keep surprising me in good ways. I know how notoriously difficult it is to get tickets to this event so to have what I would call a full house of almost Filipinos is amazing. I never would have thought that at Wimbledon, I would have like a home crowd so super thankful and I really enjoyed that,” kwento ni Eala.
Nakalikha si Eala ng 17 break-point opportunities at matagumpay na na-convert ang apat dito, habang nabigo si Zarazúa na mapakinabangan ang dalawa niyang breakpoint chances.
Pareho silang nagtapos na may tig-11 unforced errors, ngunit nakapagtala si Eala ng 22 winners kumpara sa 11 ni Zarazúa.
Sa kanyang ikaanim na sunod na paglahok sa main draw ng isang Grand Slam, umabot si Eala sa ikalawang round sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa kanyang karera.
Nakaabot din siya sa second round ng US Open noong nakaraang taon, ngunit natalo sa unang round sa apat pa niyang iba pang Grand Slam appearances, kabilang ang Wimbledon noong isang taon.
Natalo si Eala sa nag-iisang nakaraang paghaharap laban kay world No. 87 Joint, sa Eastbourne final sa Inglatera rin noong nakaraang taon.
“I had a really great match with Maya last year so I’d love to have the chance to improve on some things that I could have improved from that match,” ani Eala.


