Matapos ngang katigan ng korte ang TVJ Productions Inc. sa isinampa nitong kaso laban sa dating co-host at Eat Bulaga Dabarkad na si Anjoy Yllana, balita namang naghahanap umano ito ng “padrino.”
Sa maikling salita, tila daw biglang nagising sa katotohanan ang dating aktor-host at minsan na ding pinasok ang pulitika sa ginawa niyang pang-aaway sa kilalang TVJ, Tito, Vic at Joey ng noontime show na Eat Bulaga.
“Hindi ito magkandaugaga ngayon sa paghahanap ng mga taong malalapitan upang makatulong sa kanya na humingi ng tawad sa TVJ,” komento ng isang source ng BISTADO.
Sa inilabas ngang desisyon ng korte nitong June 29, 2026, pumanig ang korte sa TVJ Prodn. sa isinampa nitong kasong injunction at damages laban kay Yllana.
Sa resolusyon ng Branch 279 ng Regional Trial Court (RTC) ng Mandaluyong City, napatunayang may malisya at nagkamali si Yllana sa paggamit ng social media platform na TIKTOK, kung saan naglabas ng mga mapanirang-puring pahayag si Yllana laban kina Tito, Vic at Joey.
Dahil dito ay inatasan ng korte si Yllana na magbayad ng P3.5 million bilang danyos sa TVJ Productions dahil nakasira umano sa reputasyon ng noontime show at ng mga host nito ang kanyang mga pinagsasabi.
Mayroon ding ipinalabas na permanent injunction ang korte laban kay Yllana na nagbabawal sa aktor-host na mag-post, mag-share, mag-broadcast o muling i-upload ang kanyang mga naging pahayag sa TikTok at iba pang social media at digital platforms.
Ayon sa desisyon, hindi lisensya ang freedom of speech para manira ng reputasyon ng ibang tao.
“This victory is a defense of the integrity of Eat Bulaga, its hosts, and the trust that generations of viewers have placed in the program,” ang naging pahayag ng TVJ Productions sa naturang desisyon ng korte pabor sa kanila.
Habang sinusulat ito ng BISTADO ay balita ngang sinusubukan ni Yllana na mag-reach out sa TVJ sa pamamagitan ng mga “common friends o emissaries” upang tuluyan na umano itong makahingi ng kapatawaran sa trio.


