Winalis ng Gilas Pilipinas ang dalawang tune-up games sa New Zealand bago sumabak sa ikatlong window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Dinomina ng Philippine men’s basketball team ang Franklin Bulls, 94-66, noong Martes, tatlong araw bago nito harapin ang New Zealand Tall Blacks sa opening round ng qualifiers.
Nanguna si Carl Tamayo na may game-high na 22 puntos, sumunod si Dwight Ramos na may 19 at nagdagdag si AJ Edu ng 14 puntos.
Nauna nang tinalo ng Gilas ang Manawatu Jets, 92-61.
Nakuha ng mga Pilipino ang dalawang panalo kahit wala si Justin Brownlee sa parehong laro upang makapagpahinga.
Hindi rin naglaro ang bagong dagdag na big man na si Mike Phillips sa laban kontra Franklin Bulls, kung saan umabot pa sa 92-61 ang pinakamalaking kalamangan ng Gilas sa huling bahagi ng laro.
Ngayon, nakatuon na ang pansin ng koponan sa tunay na laban kontra Tall Blacks sa Biyernes sa Spark Arena sa Auckland.
Kinabukasan, babyahe ang Gilas patungong Australia para sa laban kontra sa nananatiling walang talong Boomers sa Hulyo 6 sa Perth Arena.
Natuwa si Tim Cone sa ipinakitang laro ng Gilas Pilipinas sa una nitong tune-up game noong Linggo.
“We played well in our first game,” ani Cone tungkol sa laban kontra Jets kung saan umabot sa 22 puntos ang pinakamalaking kalamangan ng Gilas sa huling yugto ng laban.
Gayunman, nagbabala si Cone laban sa pagiging kampante.
“There are tougher games ahead,” ani Cone.


