Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang agarang paglipat sa 5 percent coco-biodiesel blend o B5 para palakasin ang coconut industry at makatulong sa mas matatag na agricultural prices sa hinaharap.
Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na sinusuportahan ng DA ang private-sector-backed policy resolution na nananawagan ng agarang paglipat sa B5 blend.
Saklaw ng endorsement ang Resolution No. 03, series of 2026, na ipinasa ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries–National Sectoral Committee on Coconut at ipinadala sa Senado at Department of Energy.
“The Department of Agriculture strongly supports the transition to a 5 percent biodiesel blend. This is more than a step toward meeting international standards,” sabi ni Tiu Laurel.
Inaasahang makatutulong ang transition sa B5 sa tinatayang 2.5 million hanggang 3.5 million coconut farmers.
“It is a meaningful investment in the future of millions of Filipino farmers, workers, and families who rely on the coconut industry for their livelihood,” dagdag niya.
Nakaugat ang paglipat sa mas mataas na biofuel blends sa Republic Act 9367, o Biofuels Act of 2006, na nagtataguyod ng paghahalo ng Coconut Methyl Ester sa mga produktong petrolyo.
Layunin ng batas na buhayin ang domestic coconut industry, palakasin ang energy security, at isulong ang environmental sustainability.
Ang Coconut Methyl Ester ay biodegradable at non-toxic. Mas mababa rin ang sulfur at greenhouse gas emissions nito kumpara sa conventional petroleum diesel.
Nauna nang pansamantalang pinahinto ng National Biofuels Board ang transition dahil sa 300 percent na pagsipa ng international coconut oil prices noong panahong iyon.
Pero ayon sa DA, mas paborable na ngayon ang market conditions para maibalik ang transition.
Ayon sa industry experts, kritikal ang paglipat sa B5 dahil inaasahang aabutin ng anim hanggang 12 buwan bago maging stable ang domestic oil prices sa gitna ng patuloy na global supply chain disruptions. /Bistado


