Big-time rollback sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ang sasalubong bukas, Martes, June 23, matapos ihayag ng Department of Energy (DOE) ang malalaking bawas-presyo sa petrolyo.
Sa press conference nitong Lunes, June 22, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na bababa ang presyo ng gasolina ng P3.90 hanggang P5.90 kada litro.
Mas malaki ang bawas sa diesel, na bababa ng P9.04 hanggang P11.04 kada litro. Pinakamalaki naman ang rollback sa kerosene, na aabot sa P9.82 hanggang P11.82 kada litro.
Bago ang adjustment, nasa P78.90 kada litro ang common retail price ng gasoline RON95 sa Metro Manila, P79.80 kada litro ang gasoline RON91, P78.20 kada litro ang diesel, at P107.20 kada litro ang kerosene para sa linggo ng June 16 hanggang 22, batay sa latest price monitoring ng DOE.
Ayon sa DOE, nakabatay ang adjustment sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis sa gitna ng patuloy na kaganapan sa Middle East na nakaapekto sa global supply at presyo.
“The adjustments today will reflect last week’s market. So, kung may mangyari man today, o bukas, hindi po dapat umiba ang preso from Tuesday tomorrow to Monday next week. So steady lang po ang presyo natin from Tuesday tomorrow up to Monday next week. Kaya pag may nakita po kayong nagpapalit sa sabihin dahil po sa report na mukhang magsasara nan naman [ang Strait of Hormuz], hindi po tama yan,” sabi ni Garin nitong Lunes.
Nauna nang tinaya ng DOE ang rollback na P8 hanggang P10 kada litro para sa diesel, P4 hanggang P5 kada litro para sa gasolina, at P9 hanggang P11 kada litro para sa kerosene. May industry estimates naman na nagturo sa posibleng bawas na hanggang P11 kada litro sa diesel at P6 kada litro sa gasolina.
Sa oil monitor ng DOE noong June 16, bumaba ang Dubai crude prices ng nasa $6 kada bariles sa June 8 hanggang 12 trading period.
Bumaba rin ang international prices ng diesel at kerosene ng nasa $10 kada bariles at $6 kada bariles, habang ang gasolina ay bumaba ng nasa $0.10 kada bariles.
Ayon sa DOE, bumaba ang crude prices week-on-week dahil sa renewed optimism sa US-Iran negotiations na nagpakalma sa pangamba sa posibleng supply disruptions.
Pero binalaan din ng ahensya na pwede pa ring itulak pataas ng geopolitical uncertainty, tight supply, at declining inventories ang presyo kung muling lumala ang tensyon.
Sinabi rin ng DOE na may “healthy inventory” ang bansa, na halos 44 days na supply para sa gasoline at 40 days para sa diesel.
Gayunman, nananatiling mas mataas ang local pump prices kesa sa antas bago sumiklab ang labanan sa pagitan ng Iran at US-Israeli forces noong February 28.
Sa huling buong linggo bago ang conflict, nasa P56 kada litro ang common retail price ng gasoline RON95 sa Metro Manila, P54.70 kada litro ang gasoline RON91, P55 kada litro ang diesel, at P83.47 kada litro ang kerosene, batay sa DOE data.
Inaasahang mananatiling firm sa near term ang Asian gasoline prices dahil sa seasonal driving demand at limitadong Chinese refined product exports. Lumambot naman ang Asian gasoil prices dahil sa fresh July-loading supply mula sa Taiwan at South Korea.
Dahil net importer ang Pilipinas ng petroleum products, sensitibo ang domestic pump prices sa galaw ng global oil prices, foreign exchange movements, at disruptions sa international supply routes.
Ayon sa DOE, patuloy itong kumikilos upang mapalakas ang supply ng langis at mapangalagaan ang kapakanan ng publiko. /Bistado


