Isang lalaki ang nagtungo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Central Office para sana manumpa bilang bagong “Regional Director,” pero nadiskubre ng ahensya na peke pala ang appointment paper na hawak niya.
Dahil sa insidente, nagbabala si Public Works Secretary Vince Dizon sa publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na opisyal o empleyado ng DPWH para mangako ng posisyon, appointment, proyekto, o transaksyon sa ahensya kapalit ng pera o impluwensya.
Ayon sa DPWH, nakatanggap ang indibidwal ng umano’y official appointment paper sa pamamagitan ng online messaging application. Nakasaad sa dokumento na itinalaga siya bilang “Regional Director.”
Para magmukhang lehitimo, may nakalagay umanong agency logos, signatures, stamps, at iba pang detalye ang dokumento.
Pero nang beripikahin ng DPWH, napag-alamang falsified ang appointment paper.
Naglabas ang ahensya ng kopya ng pekeng dokumento na malinaw na minarkahang “FAKE” upang bigyan ng babala ang publiko at maiwasan ang kahalintulad na modus.
“Nakikipagtulungan tayo sa PNP Anti-Cybercrime Group, NBI at sa PNP-CIDG para mahuli na itong mga loko-lokong kababayan natin na ito,” sabi ni Dizon.
Ayon sa kalihim, nakikipag-ugnayan na ang DPWH sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, National Bureau of Investigation, at Criminal Investigation and Detection Group upang matukoy at mahuli ang nasa likod ng scheme.
Pinaalalahanan ng DPWH ang publiko na ang lahat ng official appointments, hiring processes, at official transactions ng ahensya ay dumaraan lamang sa authorized government procedures at official communication channels.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa mga mensaheng nag-aalok ng government positions, project approvals, o iba pang pabor, lalo na kung humihingi ng pera o personal na impormasyon.
Hinihikayat ng DPWH ang publiko na maging mapanuri at agad i-report ang ganitong modus o kahina-hinalang transaksyon sa DPWH Hotline 165-02, sa mga opisyal na social media account ng DPWH, o sa email na citizens_feedback@dpwh.gov.ph. /Bistado


