CARAGA – Sasampahan ng administrative charges ng Land Transportation Office (LTO) ang siyam na miyembro ng Regional Law Enforcement Section sa Caraga matapos silang maaresto sa entrapment operation dahil sa umano’y extortion nitong Huwebes.
Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Marcus Lacanilao na hiwalay ang administrative sanctions sa criminal charges na ihahain sa Office of the Provincial Prosecutor.
“Malinaw ang ating polisiya sa LTO na walang puwang ang katiwalian sa hanay ng ating mga kawani. Ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas at sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko ay mananagot sa administratibo at kriminal na aspeto (The LTO has a clear policy against corruption. Anyone proven to have broken the law and public trust will face administrative and criminal charges),” sabi ni Lacanilao.
Tiniyak niya na makikipagtulungan ang LTO sa law enforcement agencies para sa maayos, patas, at mabilis na paghahain ng criminal charges laban sa mga naarestong RLES personnel.
“Hindi natin kukunsintihin ang anumang uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan at patuloy nating lilinisin ang hanay ng ating mga tauhan upang mapanatili ang integridad ng ahensya (We won’t tolerate any kind of abuse of power and we will continue to cleanse our ranks to maintain the agency’s integrity),” giit niya.
Noong Huwebes, nagsagawa ang LTO Central Office ng anti-“kotong” (extortion) entrapment operation kasama ang Philippine National Police Regional Intelligence Division ng PNP Regional Office 13, PNP Regional Intelligence Unit 13, PNP Regional Mobile Force Batallion 13, at Buenavista Municipal Police Station.
Sa operasyon, nahuli ang siyam na RLES enforcers habang umano’y tumatanggap at nangongolekta ng pera mula sa mga motorista habang naka-duty.
Narekober sa kanila ang marked at unmarked money, handheld radios, cellular phones, traffic apprehension forms, at iba pang ebidensiya.
Dinala ang mga naaresto sa Buenavista Municipal Police Station.
Nahaharap sila sa criminal charges gaya ng direct bribery at paglabag sa Republic Act 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. /Bistado


